Samantala, sa presinto ng pulis, umamin na ang lalaking magtatangkang magnakaw sa bahay ni Cris.
Ikinanta na napag-utusan lamang siya para pagnakawan ang bahay. Binayaran umano siya para gawin iyon. Napilitan siyang tanggapin ang alok dahil kailangan niya ang pera para sa anak na maysakit.
Bagama’t duda ang mga pulis sa sinabi ng suspect, piniga nilang mabuti kung nagsasabi ito ng totoo.
‘‘Sino ang nag-utos sa iyo? Sino ang mastermind?” sabi ng imbestigador.
“Si Mam Gretchen po!’’
Shock si Cris sa sinabi ng suspek.
Pero duda rin siya. Baka si Diana ang ibig nitong sabihin. Baka nagkamali lang sa sinabing pangalan.
“Totoo ba ang sinasabi mo?’’ tanong ng imbestigador.
‘‘Opo Sir. Si Mam Gretchen po.’’
Binalingan ng pulis si Cris. Kinausap ukol sa kinumpisal ng suspek.
At sa pagkakataong iyon ay saka lamang naisip ni Cris na nasa delikadong sitwasyon si Hani sa kamay ni Gretchen. Tiyak na may gagawing masama si Gretchen kay Hani lalo pa kung siya nga ang may pakana ng pagnanakaw.
Sinabi niya sa mga pulis ang sitwasyon.
Nagpasya ang mga pulis na samahan pabalik si Cris.
Samantala, tila baliw na nga si Gretchen at dinaluhong si Hani. Pero nakahanda na si Hani. Nailagan niya ang pagsugod ni Gretchen at napasubsob sa dingding.
‘‘Hayop ka Hani! Papatayin kita!’’
Sinunggaban nito si Hani.
Pero ginamit ni Hani ang kanang siko at tinamaan sa mukha si Gretchen. Lalong nag-ulol sa galit si Gretchen at dinaluhong uli si Hani. Nahagip ang buhok nito. Hinila. Malakas si Gretchen at hindi makawala si Hani. Parang sa lalaki ang lakas ni Gretchen. Hinigpitan pa ang pagkakahawak sa buhok niya. Masakit!
Parang may sa demonyo na yata si Gretchen!
Saka naisip ni Hani na suwagin si Gretchen.
Sa lakas nang pagkakasuwag niya, bumalandra ito sa pader. Napaaray si Gretchen.
Hindi inaasahan ni Hani na mayroon pala itong kutsilyo na nakatago sa tagiliran.
Binunot at dinaluhong ng saksak si Hani. (Itutuloy)