SINUNDAN pa ni Alexis ang palo sa addict. Isang malakas na palo sa mukha ang pinadapo niya. Bumagsak ang addict na nakatihaya.
Nagpipilit pa itong bumangon at inaabot ang patalim pero binigyan ni Alexis ng pangwakas na palo.
Isang palo muli sa mukha at tuluyan nang humilata ang addict.
Humihingal si Alexis.
Sunud-sunod ang paghi-nga niya habang nakatingin sa nakabulagtang addict.
Biglang lumapit sa kanya si Nicole na umiiyak. Niyakap niya ang kasintahan.
‘‘Huwag ka nang umiyak. Ligtas ka na.’’
‘‘Paano mo nalaman ang nangyari sa akin, Love?’’
‘‘Nagpunta ako sa tirahan mo dakong alas nuwebe dahil isasama sana kita sa Maynila. Pero wala ka pa. Nang mag-alas diyes, nag-worry na ako. Nagtungo na ako sa school mo at may nakapagsabi sa akin na sumakay ka sa traysikel. Natandaan ng pinagtanungan ko ang body number ng traysikel at nagsimula na akong hanapin ka. Nagpatulong na ako sa mga barangay tanod. Nakita namin ang abandonadong traysikel sa crossing.
Nakita rin namin ang isang lalaking patay na may saksak. Naghinala kami na nag-agawan sa’yo ang dalawang addict at sila mismo ang nag-away at nagsaksakan. Hanggang sa nasundan namin ang bakas mo. At nakita kitang tumatakbo habang hinahabol ng hayop na ito.’’
Umiyak muli si Nicole. Niyakap nang mahigpit ni Alexis.
‘‘Huwag ka nang matakot at narito na ako.’’
Hinubad ni Alexis ang t-shirt niya at pinasuot kay Nicole.
Hanggang sa duma-ting na ang mga barangay tanod na may kasamang mga pulis.
“Mabuti at napatulog mo ang addict na ‘yan, Sir,” sabi ng pulis. “Matagal na naming hinahanap yan dito. Dalawa na ang na-rape nito kamakailan lang.’’
“Mabubulok na siguro sa bilangguan ito, Sarge,’’ sabi ni Alexis.
‘‘Baka hindi. Baka mamaya e mang-agaw ito ng baril.’’
Nagtinginan at napa-ngiti ang mga tanod.
(Itutuloy)