Bantulot si Nicole sa pag-abot sa ibinibigay na tatlong red roses ni Alexis. Hindi niya iyon inaasahan. Gulat na gulat siya at hindi rin makapaniwala na bibigyan ng roses ni Alexis.
“Salamat po, Mang Alexis,” sabi niya pagkaraang abutin ang mag roses.
“Wala ka naman sigurong gagawin, Nicole.’’
“Wala po. Katatapos ko lang pong magluto ng meryenda.’’
“Wow. Huwag mong sabihin na ginataang bilo-bilo ang niluto mo.’’
“Hindi po, he-he-he.”
“E ano?’’
“Ginataan pong monggo.’’
“Ah tinutong!’’
“Ano pong tinutong?’’
“’Yan ang tawag dito sa amin sa ginataang monggo. Masarap ‘yan.’’
“Halika ka po rito sa loob at nang makakain ka ng tinutong. Masarap po ito kapag mainit.’’
“Tama ka Nicole.’’
Pumasok sila.
Naupo si Alexis sa sopa.
Si Nicole naman ay nagtungo sa kusina para kumuha ng tinutong.
Maya-maya, dala na ni Nicole ang umuusok na tinutong sa isang kaserola. May dala na rin siyang mangkok at kutsara.
“Eto na po Mang Alexis. Masarap po ‘yan.’’
“Sa itsura pa lang talagang masarap na.’’
Nilagyan ni Nicole ng tinutong sa mangkok si Alexis.
At nagsimula na itong kumain.
“Wow ang sarap!’’
“Salamat po.’’
“Ikaw kumain ka na rin. Sabayan mo ako.’’
Kumuha si Nicole ng mangkok.
Sabay silang kumain.
“Talagang mahusay kang magluto, Nicole. Bilib na bilib ako.’’
“Salamat po uli.’’
Nang matapos silang kumain, nagseryoso na si Alexis.
“Mayroon akong sasabihin sa’yo Nicole.’’
“Ano po ‘yun?’’
“Huwag kang magagalit ha?’’
“Hindi po.’’
“Mahal kita, Nicole.’’
(Itutuloy)