“Pasok ka po, Mang Alexis!”’ nahihiyang anyaya ni Nicole sa hindi niya inaasahang pagdating ni Alexis at makikipagkuwentuhan daw.
“Talagang wala kang gagawin ngayon?’’
“Opo. Wala po. Pasok ka po.’’
Pumasok si Alexis.
Napansin ang malinis at makintab na suwelo.
‘‘Ang kintab ng sahig mo. Paano mo pinakintab?’’
“Lagi ko pong pinupunasan ng basahan.’’
“Ngayon lang ako nakakita ng napakakintab na sahig. Ang sipag mo talaga Nicole.’’
“Salamat po. Maupo ka Mang Alexis at kukuha lang ako ng meryenda mo. May ginataan po akong bilo-bilo. Kaluluto ko lang po.’’
“Aba paborito ko yan? Maraming halo?’’
“Opo. May saging na saba, kamote, ube, sago at langka.’’
“Wow. Sige kumuha ka at bigla akong nagutom.”
“Saglit lang po.’’
Tinungo ni Nicole ang kusina.
Pinagmasdan naman ni Alexis ang makintab na suwelo na para bang pati ang langgam at ipis ay madudulas dito. Napakasipag talaga ni Nicole. Paano pa kaya siya nakakapaglinis nitong bahay halos okupado ang kanyang oras ng pagtatrabaho sa gulayan at nag-aaral naman sa gabi. Nakakahanga si Nicole!
Nasa ganun siyang pag-iisip nang lumapit si Nicole dala sa tray ang umuusok na ginataang bilo-bilo.
‘‘Eto na po ang bilo-bilo,” sabi nito at ibinaba sa mesita.
“Halika, kain tayo.’’
“Kakakain ko lang po.’’
Nagsimulang kumain si Alexis.
‘‘Ang sarap!’’
‘‘Salamat po.’’
Sarap na sarap si Alexis sa pagkain.
(Itutuloy)