LALO pang pinagbuti ni Nicole ang pag-aaral para hindi mapahiya sa ginagawang pagsuporta sa kanya ni Alexis. Gusto niyang masulit ang mga pagtulong na ginagawa nito sa kanya. Ito lamang ang alam niyang paraan para magantihan si Alexis.
At lalo rin naman niyang pinagsisikapang magampanan nang maayos ang trabaho sa gulayan. Kahit minsan, hindi siya umaabsent. Kahit pa sinasabihan siya ni Nina na magbakasyon dahil mayroon naman siyang vacation leave ay hindi niya iyon ginagamit.
“Magpahinga ka naman, Nicole. Nag-aaral ka pa sa gabi. Baka masobrahan ka sa pagtatrabaho e magkasakit ka.”
“Kaya ko naman, Nina. At saka walang papalit sa akin dito. Kulang tayo sa tao. Baka hindi matapos ang pagpitas ng mga talong at okra e malipasan at hindi na umabot sa takdang oras. Masasayang ang mga ito.’’
“Makakaya ko naman kahit nag-iisa ako rito.’’
“Saka na lang ako magli-leave kapag hindi na panahon ng pitasan ng talong.’’
“Sige bahala ka. Nagpapaalala lang ako dahil mahirap kapag nagkasakit.”
“Salamat, Nina.’’
“Maiba ako ng usapan. Talaga bang ulila ka nang lubos, Nicole? Nabanggit mo sa akin nun na patay na ang mother at father mo. Kapatid, wala ka na rin?’’
“Nag-iisa lang akong anak. Ulilang lubos nga ako.’’
“Paano ka naman napadpad dito sa probinsiya namin e taga-Maynila ka ayon sa sinabi mo sa akin nun.’’
“Mahabang kuwento, Nina.’’
“Kahit kaunti, ikuwento mo. Wala akong gaanong background sa istorya mo.’’
Ikinuwento ni Nicole kung paano siya napunta sa bahay ni Alexis sa Sta. Cruz at ang mga sumunod pang pangyayari kung paano siya humantong sa vegetable farm at naging tauhan dito.
“Parang istorya pala sa pelikula ang buhay mo. Mabuti at sa bahay ka ni Alexis napunta. Napakasuwerte mo, Nicole.’’
“Oo nga, Nina, napakasuwerte ko at kay Mang Alexis ako napadpad. Kung sa ibang tao siguro ay baka kung ano na ang nangyari sa akin. Napakabuti talaga ni Mang Alexis.’’
“Mang Alexis ba lagi ang tawag mo sa kanya?’’
“Oo.’’
Napahagikhik si Nina.
“Bakit ka humagikgik?’’
“Kasi’y hindi bagay na tawagin siyang Mang Alexis. Parang pangmatanda ang tawag mo, he-he-he!’’
“E mas nakakahiya naman kung tatawagin kong Alexis. Parang wala akong galang.’’
Napahagikgik pang lalo si Nina. (Itutuloy)