“Sorry , Nicole,” sabi ni Alexis nang mahawakan ang malambot na kamay ng dalaga. “Hayaan mo nang ako ang magsaing at pagod ang kamay mo sa pagluluto ng kare-kare. Madali lang naman ang magsaing.’’
“Sige po Mang Alexis. Ikaw na po ang bahala.’’
“Sandali lang lutuin ang bigas na ito. Bagong ani ito kahapon lang. Isa ito sa pinakamasarap na bigas na balak kong ialok sa mga Japanese. Ito ‘yung klase ng bigas na bagay sa kanilang mga nilulutong kamameshi.’’
“Ah ganun po ba? E ‘di mayroon ka naman pong bagong negosyo?’’
“Nasa trial pa lang itong tinawag kong Alexis Rice.’’
“Bakit po Alexis Rice ang tawag?’’
“Kasi nga, ito yung klase ng bigas na kapag sinaing ay para bang napakadulas at napakasarap kainin. Kahit na walang ulam, puwedeng papakin dahil sa sarap.’
“Talaga po?’’
“Oo. Mamaya kapag naluto ito, malalaman mo kung gaano kasarap at kalinamnam ang Alexis Rice. Isa pa madaling maluto ito --- 10 minutes lang ay in-in na ito.’’
“Ibang klase po ang Alexis Rice kung ganun.’’
“Oo.’’
“Sana po ay maging successful ang bigas na iyan para madagdagan pa ang mga magkakaroon ng trabaho.’’
“Tama ka, Nicole. Kapag pumatok itong Alexis Rice, maraming tagarito na naman sa barangay ang magkakaroon ng trabaho. Siyempre bago makapag-produce ng bigas, kailangan ay magbungkal muna ng lupa, lilinisin ito, magpupunla, magtatanim at saka hihintayin ang pagbulaklak ng palay. Kapag namulaklak saka pa lang lalabas ang uhay at saka magiging ganap na palay. Kapag nahinog, aanihin na.’’
“Marami po palang pagdadaanan bago makapag-produce ng masarap na Alexis Rice.’’
“Oo. Matagal at mahirap ang pagdaraanan bago makapag-ani. Kailangan ang tiyaga sa pagtatanim ng palay.’’
Maya-maya lang luto na ang sinaing ni Alexis.
“Ayan luto na ang sinaing ko. Puwede na tayong kumain. Bagay na bagay ito sa kare-kare na niluto mo Nicole.’’
“Oo nga po.. Magsasandok na po ako para makakain na tayo. Gusto ko nang matikman ang Alexis Rice.’’
“Masisiyahan ka Nicole, promise.’’
Ngumiti si Nicole.
(Itutuloy)