BAGO itinago ni Brenda ang bag sa ilalim ng kanilang kama, kumuha muna siya roon ng P3-milyon. Ang P1-milyon ay itinago niya sa kanyang maleta na nasa loob ng cabinet ng mga damit.
Napapangiti si Brenda habang inilalagay sa ilalim ng kama ang itim na bag na puno ng pera. Hindi na pala niya kailangang mag-withdraw dahil narito na sa bag ang kayamanan. Kukuha na lang siya nang kukuha rito. Hindi na malalaman ni Tanda ang kabuuang laman ng bag. Ang isip ni Nath ay kung paano makakabawi sa pagkatalo sa casino.
Makaraang maitago ang bag ay lumabas na si Brenda at niyaya na si Sir Nath na umalis sila para mag-casino. Siya ang may hawak ng milyones na pera na ipangsusugal nila.
“Tingnan nga natin kung suwerte ang sinabi mong nanaginip ka ng ebs, Babe,” sabi ni Sir Nath habang nasa sasakyan sila.
“Mananalo tayo Babe.’’
“Pagnanalo ako, punta tayo sa Macau.’’
“Talaga?’’
“Oo. Kaya ipanalangin mong manalo tayo.’’
“Anong gagawin natin sa Macau?’’
“Magsugal din tayo roon. Baka naroon ang suwerte natin, Babe.’’
“Sige. Baka nga doon tayo makabawi.’’
Nagkatotoo ang napanaginipan ni Brenda na nakatapak siya ng ebs. Nanalo nga sila ni Sir Nath. Milyones. Nadoble ang itinaya nilang milyones sa magdamag na pagsusugal.
Umaga na sila nakauwi pero masayang-masaya si Sir Nath.
“Totoo pala na kapag nakapanaginip ka ng ebs e pera ang kahulugan nun. Ngayon ko lang nalaman yun.’’
“Mayaman ka kasi kaya hindi mo alam ang kahulugan ng panaginip. Ang tatay at nanay ko nung nabubuhay pa madalas makapanaginip ng ebs kaya laging nananalo.’’
“Saan? Sa casino?’’
“Sa jueteng.’’
Napahagalpak ng tawa si Sir Nath.
Biglang may naalala si Brenda.
“Babe kailan tayo pupunta sa Macau?’’
“Bukas na bukas din. Pagsinabi ko, ginagawa ko. Mag-book ka na sa airline at magpa-reserve ka na online sa hotel sa Macau.’’
Napalundag sa tuwa si Brenda.
“Magca-casino tayo sa Macau, Babe?’’
“Of course, Babe, baka dun tayo suwertihin lalo. Managinip ka na kaya uli ng ebs, he-he-he’’
Kinurot ni Brenda sa tagiliran si Sir Nath.
(Itutuloy)