Sa Piling ng Kalapati(108)
“ALAM mo Ruth, wala na akong mahihiling pa,” sabi ni Mommy Donna na halatang masaya ang boses. “Matutupad na rin ang wish ko na magkita kami ng anak ko.’’
“Masaya ako para sa’yo Mommy. Ang lahat ng mga dinanas mong hirap, sakit ay napalitan naman nang sobra-sobrang kaligayahan.’’
“At ikaw ang unang nagbigay sa akin niyon, Ruth. Kung hindi sa’yo hindi ako makakatikim ng ligaya at ginhawa. Ikaw ang nagpatatag sa akin para lumaban sa mga hamon ng buhay. Imagine, kung nag-iisa lang ako, baka hindi ako nakatagal at maburyong ako. Ikaw ang unang nagpa-realized sa akin na maganda ang buhay. Ikaw ang naghatid sa akin ng suwerte, Ruth.’’
“Kung hindi mo ako inampon nasaan na kaya ako ngayon? Baka palabuy-laboy ako sa Sta. Cruz, Avenida, Recto, Bambang ano Mommy? Nanlilimahid siguro ako.’’
“Naku e di ang ganda mong pulubi. Baka ikaw ang prinsesa ng mga pulubi sa Doroteo Jose, ha-ha-ha!’’
“Oo nga ano, ang sagwa! Ano kayang buhay mayroon ako kung hindi mo ako inampon? Baka naging addict din ako ano, Mommy?’’
“Pero di ba sabi mo, hinding-hindi ka titikim ng rugby dahil alam mong masama iyon. Matutuyo ang iyong utak hanggang sa masira ang katinuan mo. Alam mo ang masama kaya siguro hindi ka rin mapapariwara.’’
“Pero alam mo Mommy, mahal na mahal kita. Kahit pa anong mangyari, mamahalin pa rin kita. Kaya lang…’’
“Kaya lang ay ano, Ruth?’’
“Pagnagkita na kayo ni Keiko baka hindi mo na ako mahal. Siyempre, anak mo yun.’’
“Para kang sira! Kung gaano ko kamahal si Keiko, ganundin ikaw.’’
Napayakap si Ruth sa ina-inahan.
(Itutuloy)
- Latest