HINDI humihinga si Robert habang hinihintay ang pagbubukas ng pinto. Sa totoo lang, wala siyang nakahandang sasabihin sa sinumang makakausap sa bahay. Bahala na. Basta ang mahalaga ay may makausap siya sa bahay.
Sumungaw ang ulo ng babae --- ang babaing nakita ni Robert na naliligo sa ilog. Ang babaing may nunal sa likod ng tuhod. Ito na nga ang babaing hinahanap niya.
“Ano po yun?’’ Tanong nito.
Nakapag-isip agad si Robert.
“Magtatanong lang. Meron ka bang kilalang Anto rito sa Maragooc? Taga-Maynila ako at bago lang dito.’’
“Anto?’’
“Oo, Anto. Isa siyang magsasaka. Taga-rito raw siya at malapit ang bahay sa Ilog Pola.’’
“Wala po akong kilalang Anto. Baka po hindi tagarito yun.’’
“Taga-rito siya sa Maragooc. Medyo malaki ang katawan at nakakalbo na.’’
“Wala po akong kilala talaga. Magtanong ka po sa susunod na bahay at baka kilala roon. Pero ako po e walang kilalang Anto.’’
“Baka naman kilala ng kasama mo sa bahay. Pakitanong mo naman. Kahapon pa ako naghahanap kay Anto at talagang walang makapagsabi kung saan ang bahay niya.’’
“E kami lamang po ng Ate ko rito sa bahay.’’
“Pakitanong mo sa iyong Ate please naman.’’
“Wala po ang Ate ko rito.’’
Naglungkut-lungkutan si Robert.
Nang muling magsalita ay gumagaralgal pa ang boses.
“Kasi’y kailangan kong makita si Anto dahil may nangyari sa kanyang ina sa Maynila. Baka hindi na abutan ni Anto ang kanyang ina.’’
Nag-isip ang babae. Mukhang naawa kay Robert.
“Wala po kasi si Ate rito. Pero pagdumating po siya ay itatanong ko at baka kilala niya si Anto.’’
“Salamat. Babalik ako rito. E puwede bang malaman ang name mo?’’
“Bighani po.’’
“Sige Bighani. Salamat sa tulong mo. Puwede ba akong bumalik bukas?’’
“Sige po. Pero magtanong ka rin po sa ibang bahay at baka kilala roon si Anto.’’
(Itutuloy)