Damo sa Pilapil (67)

“MAM, hindi pa po ako bagay sa isang posisyon sa kompanya,” sabi ni Zac. “Gusto ko po magsimula sa ma­baba. Ayaw ko pong may matapakan.’’

Napangiti si Mam Dulce.

“Deserving ka na naman. Nagtapos ka nang may karangalan at naipakita mong respon­sible ka. Baka nga marami ang humahanga sa’yo dahil ang dating mensahero ay nakapagtapos na cum laude. Baka talo mo ang ibang empleado sa kompanya.’’

“Mam gusto kong maranasan na maging ka­raniwang empleado.’’

Napatangu-tango si Mam bilang pagsang-ayon­ sa kahilingan ni Zac.

“Sige, kung yan ang gusto mo, Zac. Unti-unti ang pag-akyat mo. Pagpasok mo sa Lunes, may bago ka nang departamentong papasukan biang empleado.’’

“Salamat po Mam. Pangako na pagbubutihin ko ang pagtatrabaho sa kompanya natin.’’

“Naniniwala ako sa’yo Zac. At alam ko, kayang-kaya mo ang iyong bagong trabaho.’’

“Salamat po sa pag­titiwala Mam.’’

“Ibalita mo sa iyong magulang at kapatid na may bago ka nang trabaho. Alam kong naghihintay sila ng balita mula sa ‘yo.’’

“Opo. Gagawin ko po Mam. Tatawagan ko po sila mamaya.’’

LUNES. Nag-umpisa na si Zac sa bago niyang trabaho. Kung dati ay nagkukumahog siya sa pag-aayos ng mga dokumento at papeles na ideleliber sa iba’t ibang kompanya, ngayon ay sa isang department na siya magre-report.

Habang patungo sa department, nasalubong niya ang mabait na matandang janitor.

“Zac, ikaw na ba ang manager? Huwag mo na­man akong kalimutan!”

“Hindi pa po Ma­nong. Matagal pa po yun.’’

(Itutuloy)

Show comments