IKINUWENTO ni Zac kay Manang Cion ang ibinigay ni Manang Dulce na laptop.
“Gulat na gulat ako Manang sa ibinigay ni Mam Dulce. Hindi ko inaasahan talaga.’’
“Ay naku, palabigay talaga si Dulce. Marami nang naibigay sa akin ‘yan. May hikaw at bracelet na gold na bigay sa akin. Binili raw niya sa abroad. Tuwing mag-aabroad laging may pasalubong. Marami na siyang naibigay na pabango.’’
“Tamang-tama naman ang bigay niya Manang dahil kailangan ko talaga ang laptop sa pag-aaral ko. Ako lang ang walang taptop kaya kailangan ko pang dumayo sa internet café. Kailangan kasi sa research.’’
“Talagang walang makakatulad si Dulce. Wala akong masasabi sa kabaitan niya.’’
“Kaya talagang pinagbubuti ko ang pag-aaral, Manang. Iyon lamang ang tangi kong maigaganti sa kanya.’’
“Tama! Ganyan nga ang gawin mo. Kapag pinaghusay mo ang pag-aaral, lagi kang bibigyan niyan, maniwala ka. Kapag nakita niya na mapagkakatiwalaan ang isang tao, buung-buo ang suporta niya. Kahit ano ay ibibigay.’’
“Pinuri kasi niya ang pagpintura ko sa gate ng bahay at sa pader. Ang ganda raw ng kulay.’’
“Maganda nga naman. Biglang luminis. Ang tagal nang hindi napipinturahan ng gate kasi kaya siguro tuwang-tuwa.’’
“Opo. Hindi na raw niya naasikaso dahil maraming trabaho.’’
“Kaya nga sabi ko sa’yo nun, kung itinuloy mo ang pag-alis dito baka nagalit si Dulce sa’yo. Ikaw na ang inaasahan niya para maalagaan ang bahay.’’
“Oo nga po, Manang. Kaya hindi na ako aalis dito.’’
ISANG umaga, may ibinigay na naman si Mam Dulce kay Zac.
“Regalo ko sa’yo Zac. Buksan mo.’’
Hindi makapagsalita si Zac. Alam niya kung ano iyon. (Itutuloy)