Samantala, plantsado na ang plano ni Ipe at Hannah na pagpapakasal. At halatang-halata ang kasiyahan ni Sir Henry sa plano ng dalawa na pagpapakasal. Excited na excited na ang mabait na matanda sa nalalapit na kasal.
“Gusto ko nang magkaapo, John Philip. Talagang noon pa ay gusto ko nang may makargang apo.’’
“Matutupad na po ang hiling mo Sir.’’
“Huwag mo na nga akong tawaging Sir. Daddy na ang itawag mo at isang buwan na lang naman at kasal na kayo ni Hannah. Masarap pakinggan kung daddy na ang itatawag mo sa akin.’’
“Kung ‘yan po ang gusto mo, Daddy.’’
“Good! Ganyan nga. Magsanay ka nang tumawag sa akin dahil magkakasama na tayo sa bahay na ito. Huwag na kayong bibili ng bagong bahay dahil dito na kayo titira. Walang magmamay-ari nito kundi kayo. Gusto ko, sama-sama tayo rito. At gusto ko, mag-anak kayo ni Hannah ng apat.’’
Nagtawa si Ipe sa sinabi ng biyenang hilaw.
“Dalawang lalaki at dalawang babae ang gusto ko kung maaari. Pero kung pawang lalaki o babae, ayos na rin. Basta ang gusto ko e marami para masaya kami. Siguro kapag nagkaroon na ako ng apo, hahaba ang buhay ko. Nakakapagpahaba raw ng buhay kapag may nilalarong apo.’’
“Sige po Daddy at pagkakasal namin ni Hannah, e gagawa agad kami ng anak para matupad na ang wish mo.’’
“Salamat, John Philip. Talagang napakahusay mo. Kaya nga sa iyo ko pa ipagkakatiwala ang iba ko pang kompanya. Malaki ang tiwala ko sa’yo. Hindi na ako makakakita pa ng katulad mo.’’
“Salamat Daddy. Hayaan mo at paghuhusayan ko pa ang pamamahala sa mga kompanya mo. Ako ang bahala, Daddy.’’
Tinapik-tapik ni Sir Henry si Ipe.
MINSANG nag-uusap sina Ipe at Ada, napunta ang usapan nila sa mga nalampasan at nalutas na mga problema.
“Alam mo Kuya, masayang-masaya ang pakiramdam ko dahil natapos na ang mga problema natin at iba pa.’’
“Ako rin ay labis na nasisiyahan sa mga nangyari sa ating buhay. Walang kasingsaya, Ada.’’
(Tatapusin na bukas)