Ang magkapatid (153)

“Tinawagan ako ni Joey mula sa Riyadh at wala siyang tutol, Ada,” sabi ni Manang Caridad habang nakahawak sa braso ni Manong Nesto. “Gusto raw niyang lumigaya ako. Mahabang panahon na raw ang tiniis ko kaya dapat nang matapos. Sabi ni Joey salamat sa ginawa mo Ada. Sa pag-uwi niya rito sa susunod na buwan ay gusto ka niyang makita para mapasala­matan.’’

“Aba opo, Manang. Mabuti naman at nauna­waan ka ni Joey. Sabi ko nga sa kanya, napakabuti mong ina kaya hindi dapat pinagkakaitan ng kaligayahan. Salamat at nangyari ang hiling ko.’’

“Tamang-tama na habang narito si Joey ay magpapakasal na kami ni Nesto. Pareho naman kaming biyudo kaya walang problema. Pero sa city hall lang kami pakakasal. Gusto ko naroon kayo ni Ipe at ni Ninang Karla mo.’’

“Opo Manang. Pupunta­ po kami. Huwag kang mag-alala.’’

Masayang nagsalita si Manong Nesto. Magkahawak sila ng kamay ni Manang Caridad.

“Sa wakas, madudug­tungan na rin ang ku­wento­ ng aming pag-ibig ni Caring. Pagkaraan nang matagal na panahon­, kami rin pala ang magkakatuluyan. Sino ba ang mag-aakala na ang dating­ magkasintahan na nagkahiwaly ay muling magkakabalikan at magpapakasal? Hindi ko inaasahan ang ganito.’’

“Ako man, Nesto. Talagang wala na sa isip ko na magkikita pa tayo. Walang-wala na akong balita sa’yo. Ang akala ko nga ay pumanaw ka na.’’

“Ikaw talaga, Caring, gusto mo naman akong mawala agad.’’

“Hindi naman. Naisip ko lang ‘yun.’’

“Pero ngayon, totoo na ito. Hindi na tayo mag­hihiwalay pa.’’

Niyakap ni Manong Nesto si Manang Caridad.

Nakatingin si Ada na masayang-masaya sa nang­yari sa dalawa.

(Itutuloy)

Show comments