“Sige Ada, ikaw na ang bahalang magpaliwanag sa anak kong si Joey,” sabi ni Manang Caridad. ‘‘Sana huwag siyang magalit sa akin o kay Nesto. Balak pa naman niyang magbakasyon mula Riyadh sa susunod na buwan.’’
‘‘Akong bahala Manang, ipi-friend ko ang anak mong si Joey sa FB at ipaliliwanag ko sa kanya ang lahat. Sasabihin ko, dapat ka rin namang lumigaya. Matagal ka rin namang nagtiis sa una mong asawa --- ano ngang name ng asawa mo, Manang?’’
“Lauro. Napatay siya sa inuman. Kainuman din ang pumatay. Nagtalo.’’
‘‘Pero may nabanggit si Lola Soc noon na ang asawa mo ay nahulog sa flyover kaya namatay. Alin ang totoo, Manang?’’
“Napatay siya sa inuman. Nagbibiro lang si Enyora kasi noon pa, galit na siya kay Lauro dahil sa ginawa sa akin. Kung siya nga raw ang papatay kay Lauro, itutulak niya ito sa flyover para matapos na ang kawalanghiyaan. Kaya nang mapatay sa inuman si Lauro, pasalamat ni Enyora. Nang mailibing si Lauro, pinalipat na kami sa malaki niyang bahay. Tuwang-tuwa nga siya kay Joey.’’
‘‘Sige Manang, ako na ang gagawa ng paraan para masolb ang inaakala mong problema --- na hindi naman talaga problema. Babalik ako rito kapag may maganda nang resulta. Malaki ang kutob ko na maipagpapatuloy na ninyo ni Manong Nesto ang hindi natapos na chapter ng inyong pag-iibigan,” sabi ni Ada at mahigpit na niyakap si Manang Caridad.
Napaiyak si Manang Caridad.
MAKALIPAS ang isang linggo, dumalaw muli si Ada kay Manang Caridad sa bahay nito sa Manunggal St. May dala siyang magandang balita kay Manang Caridad tungkol sa anak nitong si Joey. Nagkaroon na sila ng komunikasyon sa FB ni Joey at nasabi na niya rito ang tungkol kay Manang Caridad at Manong Nesto. Wala namang tutol si Joey at gusto rin nitong lumigaya ang ina. (Itutuloy)