“ANONG problema, Gem?’’ tanong ni Ada na halatang nag-aalala sa kasintahan. “Pagtulungan nating i-solved. Hindi ako sanay na wala kang kibo.’’
“Problema sa papa ko.’’
“Ano ang tungkol sa Papa mo?’’
‘‘Dumating siya sa bahay kagabi. Payat. Maysakit pala. Tinanggap ni Mama. Ako hindi ko kaya. Pagkaraan niya kaming abandonahin bigla na lamang babalik na parang walang anuman.’’
Hindi nakapagsalita si Ada. Kailan lang niya naitanong kay Gemo kung ano ang gagawin nito sakali at dumating ang papa nito at humingi ng tawad. Eto na nga. Nangyari na nga.
‘‘Hindi muna ako uuwi sa amin, Ada. Hangga’t naroon si Papa hindi ako uuwi. Hindi ko kaya talaga. Naalala ko pa noong abandonahin niya kami. Hindi ako makapag-enrol dahil walang pera. Halos sumala kami sa oras. Mabuti na lang at may naitabi sina Lolo at Lola kaya nakapagpatuloy kami. Halos gabi-gabi, umiiyak si Mama. Naririnig ko ang pag-iyak niya. Hanggang ngayon, parang naririnig ko pa ang pag-iyak ni Mama. Iniwan kami dahil sa isang babae. Mas pinili pa niyang pakisamahan ang babae niya kaysa sa amin. Siya ang dahilan kaya kami umalis sa lugar natin. Hindi na kayang bayaran ang upa sa bahay. Nagkandakuba si Mama sa pagtatrabaho na dapat ay siya ang bumabalikat. Hindi niya naisip iyon. Ang pansariling kasiyahan ang nasa isip niya.
“Tapos ngayon ay bigla siyang babalik at hihingi ng tawad na parang walang anuman ang nangyari. Pagkatapos niyang magpakasawa sa babae niya ay saka kami naalala…’’
Nakatingin lamang si Ada kay Gemo. Damang-dama niya ang hinanakit ng kasintahan sa papa nito. Kitang-kita niya sa mukha nito ang pagkamuhi.
“Hindi ako uuwi sa amin, Ada. Hindi ko kayang makasama sa bahay ang taong nag-abandona sa amin,’’ sabing mariin ni Gemo.
(Itutuloy)