NAKITA ni Ada si Manang Caridad na nasa may kabaong ng matanda. Nang makita ang pagpasok nilang magkapatid ay sinalubong sila.
“Halika Kuya, ipakikilala kita kay Manang Caridad,’’ sabi ni Ada.
“Bakit walang tao, Ada?’’
Hindi na sumagot si Ada.
Lumapit sila kay Manang Caridad.
“Manang Caridad, siya po si Kuya Ipe.’’
Kinamayan ni Ipe si Manang Caridad.
“Condolence, Manang.’’
“Salamat Ipe. Condolence din sa iyo. Nakaburol din pala ang papa mo.’’
“Opo. Katabi po nitong chapel na ito ang kinabuburulan.’’
“Nasabi nga ni Ada akin. Halikayo at maupo tayo.’’
Naupo sila.
Nagkatinginan sina Ada at Manang Caridad.
Si Manang Caridad ang unang nagsalita.
“Ada, may sinasabi ka kanina na nakita mo na ang anak ni Enyora, saan mo siya nakita. Totoo ba ang sinabi mo?’’
“Totoo po Manang. Kaya nga po niyaya ko rito si Kuya ay para maniwala ka.’’
Nagtataka naman si Ipe. Hindi niya maintindihan ang pinag-uusapan ng dalawa. Sino ang anak ni Enyora na nakita na ni Ada.
“Ada, hindi ko maintindihan ito. Ano ba ito?’’
Sa halip na sumagot si Ada ay may sinabi kay Manang Caridad.
“Manang di ba ang kuwento mo sa akin ay pinaghiwalay ni Enyora ang anak niyang lalaki at ang nobya nito sa isang resthouse sa Laguna sa kabila na buntis na ang babae.’’
“Oo. Hindi ko malilimutan ang kuwento ni Enyora. Buntis na raw ang babae o ang nobya ng anak kaya gumawa siya ng paraan na mailayo ang anak sa nabuntis.”
“Manang, yun pong pinagbubuntis ng babae ay ang kuya ko. Siya po ang anak ni Philip dela Cruz.’’
Napamaang si Manang Caridad. Hindi makapaniwala.
Nagpatuloy si Ada.
“At ako rin po ay anak ni Philip dela Cruz.’’
“Ikaw, anak ka rin ni Philip?”
“Opo.’’
“Kung ganun apo kayo ni Enyora?’’
“Opo.’’
Naguguluhan naman si Ipe.
“Ano ba ito, Ada?’’
“Kuya, ang nakaburol na matanda ay walang iba kundi si Socorro dela Cruz na ina ni Papa.’’
“Siya yung matapobre?’’
Tumango si Ada.
(Itutuloy)