“DIYAN po nakaburol si Lola Soc?’’ tanong ni Ada.
“Oo.’’
“Magkatabi lang po pala sila ng Papa ko. Diyan po ang papa ko. Mabuti at hindi na ako maghahanap pa.’’
“Halika, Ada.’’
Sumunod si Ada kay Manang Caridad sa loob. Halos kasinglaki rin ng room na pinagburulan ng papa niya ang room na ito.
“Wala pa pong tao, Manang Caridad?’’
“Wala pa. Hindi ko alam kung may darating,” sabi ni Manang Caridad na malungkot ang boses.
“Bakit po?’’
“Wala.’’
Napansin ni Ada ang nakasulat na pangalan sa ibabaw ng malapad na log book na nasa may entrance ng room. SOCORRO DELA CRUZ. Nag-isip si Ada. Matagal na natigilan.
Pagkaraan ay isinulat ni Ada ang pangalan sa log book na listahan ng mga nakiramay. Siya ang una.
“Manang, ang apelyido pala ni Lola Soc ay Dela Cruz.’’
“Oo. Bakit?’’
“Kasi, si Papa ay Dela Cruz din.’’
“Ganun ba?”
Naglakad sila patungo sa kinaroroonan ng kabaong ni Lola Soc. Maganda ang kabaong ng matanda. Mamahalin. Hindi iyon pangmahirap.
May kabang nararamdaman si Ada habang papalapit sa kabaong ng matanda. Bakit ganito ang nararamdaman niya?
Nakalapit sila sa kabaong.
Nakita niya ang matanda. Parang natutulog lang ito. Maganda ito. Parang naalala ni Ada nang sabihin ng matanda noon na magkamukha sila. Magkamukha nga kaya sila? Nagbibiro lang kaya ang matanda?
Pero ngayon ay may nakikita siyang pagkakapareho. Ang papa niya at si Lola Soc ay magkahawig.
“Ada, halika at maupo tayo,” sabi ni Manang Caridad.
Sumunod si Ada kay Manang. Naupo sila.
Nagkuwento si Manang Caridad ukol kay Lola Soc.
(Itutuloy)