“BAKIT ka nagulat Ada?’’ Tanong ni Manang Caridad. “May nakagugulat ba akong nasabi?”
“Kasi po Manang yung pagbuburulan po kay Lola Soc ay siya ring kinabuburulan ni Papa. Kamamatay lang po ni Papa kahapon dahil sa cancer.”
“Nagkataon lang ba ito Ada?’’
“Nagtataka rin nga po ako. Parang pinagtiyap ng pagkakataon.’’
“Sabagay, maraming pangyayari ngayon na hindi mo akalaing mangyayari. Yung imposibleng mangyari ay maaari palang mangyari. Akala natin ay hindi nangyayari ang ganun.’’
“Mabuti po at mayroon palang nakahandang pagburulan si Lola Soc. Di po ba sabi mo ay na-mulubi ito.’’
“Matagal na niyang nabili ang memorial plan --- mayaman pa sila noon. Pati anak niya meron din. Pati ang paglilibingan sa memorial park, naka-ready na. Ipinagbilin sa akin lahat yan ni Enyora. Nasa akin ang mga papeles.’’
“Napaghandaan pala niya ang kamatayan, Manang Caridad.’’
“’Yung pagbuburulan lang at paglilibingan dahil nabayaran na noon pang mayaman sila. Maliban dun wala na. Mahirap pa nga sa daga si Enyora. Kaya nga kahit may kasamaan ang ugali, e hindi ko magawang iwanan dahil kawawa naman. Malaki rin naman ang naitulong sa akin.’’
‘‘Nasaan ba ang sinasabi niyang anak, Manang Caridad?’’
“Nawala yung anak niya. Nagkaroon ng bisyo – droga at alak. Hindi malaman kung nasaaan. Nagkaloko-loko ang buhay. Pinanghimasukan kasi ni Enyora. Kung ano ang gusto ni Enyora iyon ang masusunod…’’
Nagtataka si Ada. Parang may narinig na siyang ganung istorya. Parang kahawig na kahawig.
“Pero na-karma yata si Enyora. Lahat nang ari-arian nila naubos. Kung anu-ano ang dahilan. Niloko ng mga tauhan, nasunugan, kinasuhan pa dahil hindi nagbabayad ng tax at kung anu-ano pa.’’
Nagtataka pa rin si Ada. Kahawig talaga nang narinig niya.
“Manang Caridad, ano pong pangalan ng anak ni Lola Soc?’’
Sasagot na sana si Manang Caridad nang tawagin ito ng doktor. Handa nang dalhin sa morgue ang bangkay ni Lola Soc.
(Itutuloy)