NAGPATULOY sa pagkukuwento si Manong Nesto sa magkapatid na sina Ipe at Ada. Hinayaan naman ito ng magkapatid sapagkat gusto rin nilang malaman ang katotohanan na matagal din naman nilang hinahanap. Si Manong Nesto pala ang maglalahad ng mga “nakatagong lihim” ng kanilang ama. Maraming alam si Manong Nesto.
“Inabandona si Philip ng asawa nito dahil nalulong ito sa alak at droga, Hindi sila nagkaroon ng anak dahil may deperensiya ang babae. Mayaman ang babaing napagangasawa ni Philip – halos kasingyaman din nila. Nasa ibang bansa na ang babae. Kaya ito napangasawa ni Philip ay dahil na rin sa sulsol ng mama nito. Gusto kasi ng mama ni Philip ay katulad din nilang mayaman ang mapangasawa para ma-preserba ang yaman. Iyon din ang dahilan kaya matindi ang pagtutol ng mama ni Philip sa dating nobya nito --- ang inyong mama nga --- si Anna Rose. Tutol na tutol ang mama ni Philip kay Anna Rose dahil mahirap pa raw sa daga.
“Pero ang alam ko, talagang mahal ni Philip si Anna Rose kaya lamang ay talagang matindi ang pagnanais ng mama nito na mapaghiwalay ang dalawa. Hindi raw papayag na isang kahig, isang tuka lang ang mapangasawa. Gagawin daw ang lahat. At nangyari nga iyon nang ipakasal si Philip at ang mayamang babae. Hindi makatanggi si Philip sa kagustuhan ng kanyang mama.
“Pero hindi naging masaya ang pagsasama sapagkat nalulong sa alak at droga nga si Philip. Lalo pang naging sugapa nang malamang hindi pala magkakaanak ang pinakasalan dahil may problema sa obaryo. Isa pang naging dahilan ng pagka-alcoholic ay ang galit na nadarama sa kanyang mama na lahat na lamang ay pinakialaman o pinanghimasukan. Dahil wala nang masulingan, alak at droga at napagbalingan.
“Kapag nalalasing ay minumura ang kanyang mama. Sinisisi sa nangyari sa kanyang buhay. Kung hindi raw ito nakialam, hindi masisira ang buhay.
“Hanggang sa biglang bumagsak ang kanilang negosyo. Nawalang parang bula ang mga ari-arian. Namatay ang papa ni Philip dahil hindi matanggap ang pagkalugi. Kung anu-ano pang kamalasan ang dumating. Nasunugan pa. Ninakawan ng mga tauhan…’’
Nagsasalita pa si Manong Nesto nang may tumawag sa cell phone ni Ada. Nag-excuse si Ada. Tumayo ito para sagutin ang phone.
“Hello?’’
“Hello Ada. Si Caridad ito. Maid ni Enyora.’’
“Bakit ka po tumawag Manang Caridad?’’
“May nangyari kay Enyora, Ada. Tulungan mo ako!’’
(Itutuloy)