SI Manong Nesto ang nag-asikaso sa pagbuburol ng bangkay ni Philip. Alam na nito ang mga gagawin sa pagkakataong iyon. Parang matagal nang nakaplano ang lahat. Sinabi nito sa magkapatid na siya ang bahala. Pinauwi muna niya ang mga ito at tatawagan na lamang kapag handa na ang lahat ukol kay Philip. Kinuha ni Manong Nesto ang cell phone number ni Ipe.
“Ako na ang bahala. Alam ko na ang gagawin. Bago pa mamatay si Philip, sinabi na niya sa akin ang gagawin.’’
“Salamat po Manong Nesto,” sabi ni Ipe.
KINAGABIHAN, naisaayos na ang bangkay ni Philip. Ready na for viewing. Tinawagan ni Nesto sina Ipe at Ada. Pinapunta na niya ang mga ito sa punerarya. Kasama ng magkapatid si Karla.
Sa isang sikat na punerarya nakaburol si Philip. Nang makita ni Ada ang mamahaling kabaong ng ama ay muli na namang bumaha ang luha. Nakatingin naman si Ipe sa ama. Napagmasdan niya ito. Kahawig pala ni Ada ang ama. Pero natatandaan niya, sabi ng kanyang mama, kahawig daw siya nito. Kaya nga raw ginawa siyang junior.
Magkakatabi sila nina Manong Nesto sa upuan. Nasa di kalayuan naman si Karla. Wala pang gaanong nakikiramay.
Nagkuwento si Manong Nesto tungkol kay Philip.
“Maligayang namatay ang papa n’yo. Natupad ang hiling niya. Salamat naman at nagkapatawaran kayo. Gaya nang sabi niya sa inyo, matagal niyang inasam na makita kayong dalawa at ako nga ang naghanap para sa kanya. Wala na kasing ibang tutulong. Ako na lamang ang tanging inaasahan niya.
“Grabeng naghirap ang papa n’yo. Naibenta lahat ang mga ari-arian. Kawawang-kawawa siya. Mabuti nga at bago naghirap ay nakakuha pa ng memorial plan kaya maayos pa rin ang burol. Sa isang sikat na memorial park siya ililibing. Sabi nga niya noong buhay pa, wala raw akong problema kapag namatay siya dahil ayos na ang pagbuburulan at paglilibingan niya. Mayaman pa kasi siya nang bayaran ito.
“Naalala ko ang mga sinabi niya na marami siyang pinagsisisihan sa buhay niya. Sana raw ay hindi siya nakinig sa kanyang mama. Sana raw sinunod niya kung ano ang gusto niya. Sana raw ay naging maligaya siya.’’
Nakikinig si Ipe at Ada. Sa kanilang isip, sana malaman nila kung nasaan ang ina ng kanilang papa. Yung matapobreng matanda na lumait-lait sa kanilang mama.
(Itutuloy)