Ang Magkapatid (106)
“SANA humiling na lang ng iba si Tita Karla,” sabi ni Ipe na may lungkot ang boses. “Sana hindi na lang ang tungkol sa lalaking wala namang ginawa sa atin. Hindi ko talaga kaya, Ada. Kung ikaw ay makakayang makaharap si Papa, ako e hindi. Baka magkaplastikan lang e ayaw ko ng ganun.’’
“Hindi ko rin kaya, Kuya. Ayaw ko ring makita si Papa.’’
“Noon pa, kahit hindi pa dumarating ang sitwasyon na ito, mayroon na akong nakahandang pasya. Ayaw ko talaga siyang makita.’’
Napatangu-tango si Ada bilang pagsang-ayon sa sinabi ng kanyang kuya. Katulad ng kanyang kuya, ayaw din niyang maging plastic.
“Pero paano natin sasabihin kay Tita Karla na ayaw nating makaharap o makita si Papa?” sabi ni Ipe.
“’Yan din ang iniisip ko Kuya. Baka sumama ang loob ni Ninang Karla kapag tumanggi tayo.’’
Natahimik sila.
Maya-maya, nagpasya si Ipe.
“Sasabihin ko ang totoo at nararamdaman ko, Ada. Wala nang ibang magagawa pa. Ayaw kong makipagplastikan.’’
“Sige Kuya. Kung yan ang pasya mo, ganyan din ako.’’
DUMALAW si Ipe kay Hannah. Mula nang maging magkasintahan sila, tuwing Sabado ng hapon ay dinadalaw niya ito.
Naliligo pa si Hannah kaya si Sir Henry ang nakakuwentuhan ni Ipe. Botong-boto si Sir Henry kay Ipe o John Philip.
Napansin ni Sir Henry na parang problemado si Ipe.
“Parang may problema ka John Philip. Baka makatulong ako.’’
“A e wala Sir.’’
“Ow, wala talaga? Kilala na kita. Matagal na tayong magkasama. May problema ka, nadarama ko.’’
“Meron nga Sir.’’
“Sabi ko na nga ba. Tungkol saan?’’
“Tungkol po sa father ko --- yun pong nag-abandona sa amin.’’
(Itutuloy)
- Latest