SABAY na napatingin sina Ipe at Ada kay Karla nang mabanggit ang tungkol sa kanilang papa. Pagkaraan nang maraming taon, halos limot na nga nila na mayroon silang ama, eto ngayon at may binabanggit ang kanilang Tita Karla.
“Alam ko nagtataka kayo nagulat pero hayaan n’yo muna akong magkuwento,” sabi ni Karla sa marahang boses.
Ang magkapatid ay nananatiling nakatingin kay Karla na naghihintay sa mga sasabihin tungkol sa kanilang ama.
“Natatatandaan n’yo pa ba ang lalaking laging nakasubaybay sa inyo noon sa palengke – yung laging nakasunod at bawat kilos n’yo ay mino-monitor?’’
Tumango ang dalawa.
“Pinsan pala siya ng inyong papa. Kaya siya nakasubaybay ay dahil pinakiusapan ng inyong papa na hanapin kayo. Kaya wala na siyang ginawa kundi ang sundan kayo.’’
“Para saan, Tita?’’ tanong ni Ipe na seryosong-seryoso ang boses. Si Ada ay nanatiling nakatingin sa kanyang Ninang Karla.
“Gusto kayong makita ng inyong papa.’’
Huminga nang malalim si Ipe. Mukhang hindi gusto ang nangyayari.
“Pagkaraan nang maraming taon na pinabayaan kami, ngayon ay sasabihin niyang gusto kaming makita.’’
Napatanguy-tango si Ada bilang pagsang-ayon sa kanyang kuya.
“Alam ko galit kayo sa inyong papa. Maski ako galit din sa kanya pero nang makita ko siya, biglang awa ang nadama ko at hindi galit. Malayung-malayo ang itsura niya noon na isang makisig na lalaki.’’
Nakatitig na naman ang magkapatid. Nagtatanong ang mga mata.
“Malapit nang mamatay ang papa n’yo. May taning na dahil sa stage 4 colon cancer…’
Hindi inaalis ng magkapatid ang pagkakatingin kay Karla. Naghahanap pa ng karugtong na sasabihin.
“Hiling niya na makita kayo bago siya mamatay. Nararamdaman na umano niya ang unti-unting kamatayan. Sana raw, matupad ang kahilingan niya bago tuluyang ipikit ang mga mata.’’
(Itutuloy)