ISANG araw bago ang board exam, nagtungo muli si Ada sa bahay ni Lola Soc sa Tatalon.
Nagulat si Caridad nang makita si Ada.
Nagmamadaling binuksan ang pinto.
“Halika Ada. Nasa banyo si Enyora.’’
Pumasok si Ada.
“Kumusta po, Manang Caridad?’’
“Mabuti naman. Ikaw Ada kumusta? Di ba kukuha ka ng exam?’’
“Bukas na po. Nagtungo lang ako para humingi ng basbas kay Lola. Ipinagdarasal daw po niya ako.’’
“A oo. Mabuti nga kapag marami ang nagdarasal. Hayaan mo at ipagdarasal kita mamayang gabi na mag-number 1 ka.’’
“Salamat Manang.’’
Maya-maya lumabas na si Lola Soc sa banyo.
Nakangiti ito nang makita si Ada.
Lumapit ito kay Ada. Tumayo naman si Ada at hinalikan ang matanda.
“Bukas na ang board exam, Ada.’’ “Opo Lola. Hihingi ako ng basbas sa iyo.’’
“Sige. Mabuti at nagtungo ka.’’
Naupo si Lola sa tabi ni Ada.
“Ang ganda talaga ni Ada!” sabi ni Lola na nakatingin at hinimas-himas ang braso ni Ada.
“Salamat Lola.’’
“Palagay ko maglola nga tayo. Magkamukha tayo. Di ba Caridad, magkamukha kami ni Ada?’’
“Opo Enyora. Baka nga apo mo siya, he-he-he!’’
“Hawig nga kami Caridad. Pareho ang ilong at mga mata namin.’’
“Oo nga po Enyora.’’
Pinagmasda ni Lola Soc si Ada. Parang may inalala habang nakatingin kay Ada.
“Sayang. Marami akong sinayang noon. Kung maibabalik ko lang ang lahat.’’
(Itutuloy)