PARANG nagdidiliryo na si Philip. Pigil na pigil naman ni Karla ang damdamin. Tama ang sabi ni Manong Nesto na makita lamang daw niya ang itsura ni Philip ay baka bumaha ang luha niya.
“Si Ada ay hindi ko pa nakikita kahit kailan. Alam ko nag-aaral siya ng nursing. Naikuwento sa akin ni pinsang Nesto. At maganda raw ang anak ko. Siguro ay mahusay siyang nurse. Si Ipe alam kong topnotcher siya sa CPA exams. Nabasa ko sa diyaryo. Noong kabataan ko, kamukhang-kamukha ko si Ipe. Para kaming pinagbiyak.
“Sana mapatawad ako ng mga anak ko. Bago man lang sana ako mawala ay makamit ko ang pagpapatawad nila. Kapag napatawad nila ako, maligaya na akong mamamatay. Hanggang dito na lang talaga ako. Sana bago ako mamatay, makita ko sila. Maraming taon ko nang pinapangarap na isang araw ay makikita ko at makakahingi ako ng tawad sa mga anak. Malakas pa rin ang paniwala ko na mauunawaan nila kung bakit ako naging pabayang ama.
“Karla, maaari mo ba akong tulungan? Ito na ang huli kong hiling sa’yo Karla. Parang awa mo na. Alam ko mabuti kang tao at kaibigan. Maawa ka sa akin, Karla.’’
Hindi na napigilan ni Karla ang sarili. Umiyak siya. Nayugyog ang balikat sa pag-iyak.
Nang tumigil sa pag-iyak, hinawakan sa braso si Philip.
“Pangako, Philip, dadalhin ko rito ang mga anak mo. Gagawa ako ng paraan.’’
Napaiyak na rin si Philip. Luha ng kasiyahan sa sinabi ni Karla.
Nang tumigil sa pag-iyak walang katapusan ang pasasalamat kay Karla.
“Salamat, Karla. Maraming salamat.’’
Marami pang pinagtapat kay Karla si Philip.
Hanggang sa magpaalam na siya. Muling inulit ang pangako kay Philip na dadalhin niya rito sina Ipe at Ada.
(Itutuloy)