Ang Magkapatid (61)
NANG magretiro ang mabait na boss ni Ipe nang sumunod na buwan, siya na ang umupo. Marami sa mga empleado ang natuwa sapagkat alam nilang deserving si Ipe. Kahit pa bago lamang ito sa kompanya ay hindi mapapantayan ang husay nito. Wala silang masasabi sa pagkakapili kay Ipe bilang bago nilang boss.
Dalawang buwan ang nakaraan, sinorpresa ni Ipe ang mabait niyang bossing sa bahay nito sa isang esklusibong subdibisyon sa Quezon City.
Tuwang-tuwa si Sir Henry Cruz nang dumating si Ipe na kung tawagin niya ay John Phillip.
“Akala ko, hindi mo na ako pupuntahan John Phillip. Magtatampo na sana ako sa’yo.’’
“Hindi ko nalilimutan yun, Sir. Medyo marami lang trabaho kaya ngayon lang natupad.’’
“Alam ko naman na napaka-responsible mo. Halika at nang maka-shot na tayo habang nagkukuwemntuhan.’’
Niyaya si Ipe sa malaking salas ng bahay na napapalibutan ng salamin. Sa labas ng salamin ay nakikita ang swimming pool at ang malawak na hardn na may tanim na bougainvilla na iba’t iba ang kulay.
“Excuse me Sir, sino po ang kasama mo rito sa bahay. Parang nag-iisa ka yata. Si Mam po?’’
“Wala na siya, four years ago pa. Nagkasakit. Kami lang ng anak ko at dalawang maid at isang driver.’’
“Ah. Kaya po napa-katahimik.’’
“Sanay naman ako sa katahimikan. Teka sandali at kukuha ako ng drinks natin. Magpapa-handa tuloy ako ng food for lunch. Dito ka kakain at huwag kang tatanggi. Huwag mong sabihin na babalik ka sa office mo sapagkat magagalit ako sa’yo.’’
‘‘Hindi po Sir. Nag-leave talaga ako ngayon para sa mahabang kuwentuhan natin.’’
“’Yan ang gusto ko. Paminsan-minsan dapat may break tayo. Hindi pawang trabaho.’’ Sabi nito at umalis para kumuha ng iinumin.
Maya-maya, nagbalik at nasa likod ang isang may edad na babae na halatang maid. May dalang alak na nakalagay sa isang bucket at may dalawang kristal na baso. Ibinaba sa mesang salamin.
“Kumusta ang buhay John Phillip?’’ Tanong ni Sir Henry nang makau-po sa tabi ni Ipe.
‘‘Napakabuti po. Walang kasingbuti. Lahat po nang mga pangarap ko at ng aking kapatid ay nagkakaroon na po ng katuparan.’’
‘‘Dahil masikap, matiyaga at mapagkakatiwalaan ka at bukod dun mabait at matalino.’’
“Salamat po uli.’’
“Naikuwento mo sa akin noon na hindi ka man lang tinulungan ng iyong father. Anong balita mo sa kanya ngayon.’’
“Wala po. At wala na akong interes na malaman.’’
Napangiti si Sir Henry sa sinabi ni Ipe.
Maya-maya may dumating na babae. Mga kasing-age din ni Ipe. Maganda. Ipinakilala siya ni Sir Henry sa babae.
‘‘Siya ang daughter ko, si Hannah.’’
(Itutuloy)
- Latest