WALA pa ang teacher nina Ada kaya patuloy sila sa pagkukuwentuhan ng kanyang classmate na si Sue. Si Gemo pa rin ang inuuri-rat ni Sue kay Ada.
“Siguro pumuporma na sa iyo si Gemo ano?’’
“Hindi sabi ang kulit nito.’’
“Hindi talaga?’’
“Hindi nga.’’
“E bakit nakatingin na naman sa’yo. Ayun o tingnan mo.’’
“Hayaan mo nga siya.’’
“Aba kung ayaw mo, ako na lang ang sasagpang sa kanya. Crush ko rin ang lokong yan.’’
“Sa’yo na lang siya Sue. Wala pa akong balak sa mga ganyan.’’
“Baka naman nagkukunwari ka lang.’’
“Pag-aaral ang priority ko Sue. Naipangako ko kay Kuya Ipe na magtatapos ako ng nursing. Pagnakatapos, sa isang malaking ospital ako magwo-work o kaya mag-aabroad ako. Kaya wala sa isip ko ang mga crush-crush na ‘yan.’’
“Eto naman nagseryoso agad. Para tinutukso lang e. Alam ko namang priority mo ang pag-aaral. Maski ako, may pangarap din, gusto ko naman, maging Nutritionist.’’
“Si Kuya Ipe kasi, malaki ang ini-expect sa akin. Gusto niya makapasa ako sa college entrance ng unibersidad na pinasukan niya para kaunti lang daw ang tuition.’’
“Sige sabay tayong kumuha. Gusto ko ring dun mag-aral.’’
“Sige. Sabi pa ni Kuya, kailangang magrebyu ako para maipasa ang entrance exam.’’
“Siyanga pala, kumusta na ang Kuya Ipe mo. Nakapag-CPA board exam na ba siya?”
“Oo. Naghihintay na lang ng results.’’
“Palagay ko magta-top ang kuya mo. Matalino siya e.’’
“’Yan din ang dasal ko, Sue. Kapag nag-top si Kuya, tiyak na madali siyang makakahanap ng trabaho. Siya na ang gagastos sa pag-aaral ko.’’
“Ang suwerte mo sa kapatid, Ada. Hindi ko katulad. ‘Yung kuya ko, nag-asawa agad. Inaasahan pa naman ni Papa at Mama na magiging engineer, e pag-aasawa ang inuna.’’
“’Hanga nga ako kay Kuya, Sue, mahusay siyang magplano kaya natutupad lahat ang balak. Maparaan din.’’
“Suwerte mo talaga, Ada. Sana ganyan si Kuya.’’
“Ang dasal ko nga, huwag munang magsisiyota si Kuya para walang abala. Kapag may siyota na, sira ang plano.’’
Natigil ang pagkukuwentuhan ng dalawa nang dumating ang kanilang teacher.
(Itutuloy)