‘‘KUNG buhay si Mama, ang saya siguro niya. Kasama ko siyang aakyat ng stage habang pinipiktyuran mo kami,” sabi ni Ipe kay Ada na humihi-ngal pa dahil sa matin-ding kasiyahan.
“Sino ang magsasabit sa iyo ng medal Kuya?’’
“E sino pa? Ikaw! Dalawa lang naman tayong magkapatid. Alangan namang kung sino ang hatakin ko para isama sa stage.’’
Napahagikgik si Ada.
‘‘Oo nga ano? Sorry Kuya, tao lang.’’
“Kaya ibibili kita nang maayos na damit para pag-akyat mo sa stage ay hindi ka naman dugyot.’’
Inambaan ng suntok ni Ada ang kanyang kuya. Nagtawa lang si Ipe.
‘‘Sana nga buhay si Mama ano, Kuya. Siguro ipagsasabi niya sa mga kaibigan niya na cum laude ka. Tiyak kakalat dito sa lugar natin na CPA ka na.’’
‘‘Hindi pa naman CPA. Accounting grad pa lang. Kailangang mag-take pa ako ng board exam.’’
“Ganun na rin yun, Kuya. Sigurado ako magta-top ka sa CPA board.’’
“Sana nga Ada. Kapag nag-top ako, tiyak nang marami nang mag-aalok na accounting firm sa akin.’’
“Malaki ang kutob ko, magna-number one ka.’’
“Ibalita mo kay Tita Karla na Cum laude ako. Next month na ang graduation ko.’’
“Oo Kuya. I-private message ko siya sa FB.’’
“Sana makauwi siya next month para makadalo sa graduation ko.’’
“Di ba kauuwi lang niya. Next year na uwi ni Ninang Kuya.’’
NAKA-GRADUATE si Ipe. At ang pinaghandaan naman niya ay ang board exam. Wala siyang pe-rang pambayad sa review center kaya self review lang siya.
Kapag nagsawa sa pagrerebyu sa bahay, sa library ng pinagtapusang unibersidad siya nakababad. Buhos na buhos ang atensiyon niya. Hindi siya susuko. Patutunayan niyang kayang mag-number one.
Kapag nag-top siya, dito na magsisimula ang pagbabago sa buhay niya at ni Ada. Ito na ang katuparan ng kanyang mga pangarap na sinimulan niyang buuin mula noong bata pa siya. Hindi niya nakakalimutan ang sinabi na pamumukhaan niya ang matapobreng lumait-lait sa kanyang mama.
Malapit nang mangyari iyon. (Itutuloy)