ISINARA ang palengkeng nasunog. Delikado nang magtinda roon sapagkat maaaring maguho dahil sa grabeng pagkasunog. Sabi nang namamahala ay ipagagawa raw iyon ng pamahalaang local at kapag natapos ay ang mga dati pa ring nagtitinda ang ookupa. Ang problema ay hindi alam kung kailan uumpisahan ang paggawa sa nasunog na palengke dahil marami pa raw ang mag-aapruba. Dadaan pa sa konseho at kung sinu-sino pa ang tatanungin para wala raw gulo kapag itinatayo na. Pero huwag daw mangamba ang mga dati nang may puwesto o stall sapagkat sila pa rin ang prayoridad.
Pero sabi ni Karla, malabo na raw makabalik ang mga dati nang may puwesto sapagkat mayroon nang mga nakaabang na ibang tao para umukopa sa mga stall. Mataas daw ang renta ng mga bagong magtitinda. Umugong din ang balita na sadyang sinunog ang palengke para mga bagong owner na ang umukopa roon at itinaas na ang renta. Sa sobrang taas ng upa, hindi ito kakayanin ng mga karaniwang tindera.
“Kaya malaki ang kutob ko, hindi na tayo makakabalik sa palengkeng ‘yun,” sabi ni Karla na masama ang loob. “Kapag nangyari ‘yun wala na tayong pagtitindahan. Kawawa tayo, Ada.’’
“Saan ka magtitinda, Ninang?’’
“Hindi ko pa alam Ada. Baka matuloy na ang balak kong mag-DH.’’
“Mag-aabroad ka Ninang?’’
“Balak pa lang. Kapag hindi na nga tayo nakabalik sa palengke, baka mag-aplay akong DH sa Hong Kong.’’
Nalungkot si Ada.
“Huwag ka nang mag-DH, Ninang.’’
“Balak pa lang Ada.’’
“Dito ka na lang Ninang. Wala na kaming tatakbuhan ni Kuya Ipe kapag nag-DH ka.’’
Nagtawa si Karla.
‘‘Para namang bukas e aalis na ako. Balak pa nga lang ito, Ada.’’
“Sana, huwag mong ituloy yang balak na ‘yan Ninang.’’
Tinapik-tapik ni Karla sa balikat si Ada.
PROBLEMADO si Ipe. Nag-iisip ng paraan kung paano madadagdagan ang kinikita. Ngayong wala na silang tindahan sa palengke, maaaring kapusin na sila. Makakapag-aral siya pero wala silang kakainin ni Ada.
Kailangang gumawa siya ng paraan para makakita ng extrang trabaho. Hindi siya titigil hangga’t hindi nakakakita dagdag na pagkakakitaan.
(Itutuloy)