Ang Magkapatid (30)

PERO nang muling­ tingnan ni Ipe ang lugar na kinaroro­onan ng lalaki, wala na ito. Nalingat lang si Ipe ay nawala na ang lalaki. Hinanap niya sa paligid ng fast food pero hindi na niya nakita. Napakabilis namang nawala.

Sandaling nag-isip si Ipe. Mukhang sinusundan siya kahit saan siya magpunta. Natunton siya rito sa fast food. Ibig sabihin, mula nang makita nila ni Ada sa palengke ang lalaki, ay na-monitor na agad siya kung saan nagtatrabaho.

Ano kaya ang motibo at lagi siyang sinusundan? Ano ang pakay sa kanya? Sa tingin niya ay hindi naman masamang tao ang lalaki. Mukhang mabait pa nga. Kung may gagawin iyon sa kanya, e di sana ay noon pa ginawa.

Hindi niya malaman ang gagawin. Ayaw naman niyang sabihin sa supervisor ng fastfood. Ano ang sasabihin niya? Baka isipin pang gumagawa lamang siya ng kuwento.

Nang dumating siya sa bahay kinagabihan, sinabi agad niya kay Ada ang nakitang lalaki. Hindi siya mapakali.

“Nakita ko uli ang lalaking nakita natin sa palengke. Hindi ako maaaring magkamali.’’

“Anong ginagawa sa fast food?’’

“Basta nakaupo lang siya. At nang malingat ako, biglang nawala.’’

“Ano kaya ang gusto niya, Kuya?’’

“Hindi ko nga alam.’’

“Anong gagawin natin, Kuya.’’

Napahinga si Ipe.

Nang magsalita ay halatang problemado.

“Ikaw, hindi mo ba siya nakita sa palengke?’’

“Hindi.’’

“Mag-ingat ka. ‘’Yung bilin ni Tita Karla, gawin mo. Isumbong mo agad nang makum­pronta.’’

Tumango si Ada.

(Itutuloy)

Show comments