Ang Magkapatid (26)

ANG papuri ng kanyang mabait na adviser ang lalo pang nagbigay ng inspirasyon kay Ipe para mag-aral na mabuti. Kahit pagod na pagod sa pagtitinda ng gulay sa palengke, hindi siya kinakitaan ng pagsuko at nakipagsabayan sa kanyang mga kaklase. Mas mataas pa ang nakukuha niyang grado kaya na-maintain niya ang pagkakabilang sa honor roll. Hindi lamang ang kanyang adviser ang humanga kay Ipe kundi pati na rin ang ibang teachers. Hindi raw biro ang ginagawa ni Ipe na nagtitinda ng gulay sa umaga at sa hapon ay papasok pa. Bihira raw ang nakagagawa nito ngayon. Nagpapakita lamang ito na mayroong nakalaang magandang kapalaran si Ipe. Ang mga taong matitiyaga at masisikap ay lagi nang nagwawagi.

Ilang buwan bago ang graduation nina Ipe, lumabas ang resulta ng college entrance exam na kinuha niya. Halos mapaiyak sa katuwaan si Ipe nang makita ang listahan. Isa siya sa nakapasa! Maaari na siyang makapagpatuloy sa kolehiyo. Matutupad ang pangarap niyang maging Accountant.

Nang umuwi siya ng gabing iyon, masaya niyang ibinalita kay Ada ang pagkakapasa sa entrance exam.

“Nakapasa ako Ada. Matutupad din ang pangarap kong maging CPA.’’

“Ang galing mo Kuya. Bakit ako hindi mo kasing talino.’’

“Matalino ka rin, Ada. Kulang ka lang sa sigasig. Kaya mo ‘yan.’’

“Kapag naging CPA ka na, yayaman na tayo Kuya.’’

‘‘’Yep! Di yan ang pina­ngako ko. At kapag mayaman na mayaman, babalikan ko ang matapobreng umalipusta kay Mama.’’

“Ganyan din ang gagawin ko Kuya. Kapag naging nurse na ako, gusto ko ring balikan ang taong kumawawa kay Mama.’’

‘‘Ipakikita natin sa taong yun na maaari ring umunlad ang mga hampas-lupa,’’ sabi ni Ipe na seryosong-seryoso habang nagsasalita.                  (Itutuloy)

Show comments