“MAC!’’ May pagkasabik sa boses ni Salome nang makita si Mac. Nasa labas ng gate si Mac.
Lumapit si Mac. Binuksan ni Salome ang gate.
“Pasok ka, Mac.’’
“Nariyan ba si Tita Pilar?’’
“Wala. Kaaalis lang kasama si Sir Hector – ang daddy mo.’’
“Mabuti naman at nakatiyempo ako. Ayaw ko na siyang makaharap.’’
“Pasok ka sa loob ng bahay. Gusto ka rin daw makita ni Manang Sabel.’’
“Huwag na. Sabihin mo na lang kay Manang, na kinukumusta ko siya. Dati namin siyang katulong sa bahay bago nilipat dito ni Daddy. Mabait yan at palabiro.’’
“Oo nga.’’
“Kumusta naman ang trabaho mo rito?’’
“Okey naman. Yun nga lang, masungit talaga si Mam Pilar. Pero kaya kong tiisin.’’
“Kaya nga pinipilit ko si Daddy na dun ka na sa lumang bahay namin sa Earnshaw. Ayaw ko talaga na dito ka mag-work dahil nga hindi ko gusto ang attitude ni Tita Pilar. Ayaw namang pumayag si Daddy.’’
“Okey lang, Mac. Kaya ko naman. Mas okey naman ito kaysa maggamas ako sa bukid. Dito hindi ako naiinitan.’’
“Pero may nagmumura naman sa iyo.’’
“Kaya ko yun.’’
“Ipaalala mo kay Daddy na i-enroll ka this semester. Pangako naman niya iyon. Iti-text ko siya.’’
“Salamat, Mac.’’
“Siyanga pala, may naka-schedule akong lakad sa Mindoro. Lalakarin ko ang mula Pinamalayan hanggang sa Roxas town. Balak ko dumaan sa inyo para makita ko si Aling Yolanda, ang inay mo.’’
“Talaga? Sige, puntahan mo si Inay, Mac. Pakitingnam mo ang kalagayan niya.’’
“No problem. Pagbalik ko, ikukuwento ko sa’yo ang pagkikita namin.’’
Nagkukuwentuhan sila nang makita nila ang kasamahang maid na si Amy na magtatapon ng basura na nasa plastic bag. Napasulyap sa kanila si Amy. Sabi sa kanya noon ni Manang Sabel, duda siya kay Amy.
“Sige Mac, baka isumbong ako kay Mam Pilar na nakikipag-usap sa’yo.’’
“Sige babalik na lang ako kapag nanggaling na Mindoro. Ingat ka Salome.’’
(Itutuloy)