HABANG patungo sa malapit na fast food ay nag-iisip si Jam kung paano madadala sa Nagcarlan si Iya. Malayo ang Nagcarlan. Dalawang beses na siyang nagtungo roon. Unang punta niya roon ay noong mag-anak siya sa binyag ng isang dating kaklase sa kolehiyo. Nakapangasawa ng isang taga-Nagcarlan ang kaklase niya. Sa resort nag-reception. Malinis at malamig ang tubig sa resort. May mga bahay sa resort na puwedeng mag-overnight o kahit ilang araw.
Ikalawang pagtungo niya roon ay noong nakaraang buwan lang nang kumbidahin siya ng isang ahente ng gatas. Doon din sa pinuntahang resort noon siya tumira. Doon niya dadalhin si Iya. Hindi agad sila masusundan doon. Kahit ilang araw sila sa resort ay puwede. Marami naman siyang baon na pera.
Makakaganti na siya kay Jose at Marie. Ipatutubos niya si Iya sa malaking halaga. At lihim siyang nagtawa. Ha-ha-ha!
“Heto na tayo Mam. Ito ang pinakamalapit na fast food.’’
Nagulat si Jam sa pagsasalita ng taxi driver.
At saka tiningnan ang katabing si Iya.
Nagulat siya! Tulog na tulog si Iya!
Isang plano ang biglang naisip ni Jam.
“Manong ihatid mo na kami hanggang sa San Pablo. Babayaran kita kahit magkano.’’
“San Pablo City sa Laguna?’’
“Opo. Sa SLEX tayo.’’
“Ang layo nun!”
“Kahit magkano, babayaran kita Manong.’’
Nag-isip ang driver.
Maya-maya, nagsalita. “Mga P4,000 hanggang dun. Malayo kasi at saka wala akong pasahero pabalik.’’
“Sige Manong.’’ (Itutuloy)