Black Widow (148)

“KAYA nga kailangang makasal na tayo para lalong tumibay ang pag-iibigan natin,” sabi ni Jose. “Kung kasal na tayo, wala nang magagawa ang traydor mong kaibigan. Titigil na siguro siya sa ginagawang panggugulo sa atin. Hindi na niya ako susundan nang susundan at pinagbabantaan pa.’’

“Kung gusto mo bukas na bukas din magpakasal na tayo sa huwes,” sabi ni Marie na parang naging atat na atat na.’’

“Sige, punta tayo sa city hall bukas para malaman natin ang mga ihahandang dokumento. Kapag naayos na, magpapakasal na tayo. Gusto ko na talagang magkasama na tayo palagi.’’

“Maipaglalaban na kita, Jose. Hindi ka na maaagaw sa akin nang kahit sino.’’

“Ayaw mo ba talagang sa simbahan tayo pa­kasal?’’

“Civil wedding na lang, Jose. Di ba yan ang hiling ko sa’yo noon pa. Tatlong beses na akong ikinasal sa simbahan. Gusto ko, civil wedding naman.’’

“Okey, masusunod ang hiling mo. I love you, Marie.’’

“Gusto ko tayo lang at ang dalawang anak ang makakaalam ng kasal natin. Mahalaga sa akin ang privacy.’’

“Ikaw ang masusunod, Marie Baby.’’

Naisaayos nila ang pagdaraos ng civil wedding. Natupad ang pa­ngarap ni Marie na sila lamang ang nakaalam ng kanilang kasal. Habang ginagawa ng judge ang “pag-iisa” nila ni Jose, naidalangin niyang hindi mangyari kay Jose ang mga nangyari sa tatlo niyang asawa. 

Pagkaraan ng kasal, sa isang sikat na Japanese restaurant sila kumain. Maligayang-maligaya sina Marie at Jose. Ganundin naman sina Pau at Iya na walang tigil sa pagkukuwentuhan at pagtake ng picture sa kanilang mga magulang.

Sa bahay na ni Jose na sila tumuloy pagkatapos ng reception. Napag-usapan na nila iyon noon pa. Ang bahay ni Marie, balak niyang gawing pa­upahan.

Habang masaya sina Marie at Jose, nang mga sandaling iyon ay may binabalak si Jam. Mistulang baliw na dahil sa pagkabigo kay Jose.

Guguluhin ko kayo!

(Itutuloy)

Show comments