Black Widow (119)

KAHIT pawang imahinas­yon lamang ni Marie ang lahat tungkol sa mga nangyayari kina Jam at Jose, nagdulot iyon sa kanya nang matinding isi­pin at problema. Akalain ba niyang ang kaibigan ang magbibigay sa kanya ng problema. Kung alam lamang niyang ganito ang mangyayari, hindi na sana siya gumawa ng hakbang para magkaroon sila ng komunikasyon ni Jam.

At ngayon naiisip ni Marie ang mga ipinagtapat ng asawa ni Jam na si Pete. Mukhang totoo nga ang sinabi ni Pete na si Jam ang nangaliwa. Nanlalaki si Jam at isang malaking kasinungalingan ang sinabi nito na si Pete ang dahilan kaya nagkasira-sira ang kanilang buhay. Walang katotohanan ang mga sinabi ni Jam na si Pete ang nambabae kaya sila nagkahiwalay. Ang paulit-ulit na panlalalaki ni Jam ang ugat kung bakit tuluyang inilayo ni Pete ang dalawang anak. Ayaw na ni Pete na ipakita ang mga anak dahil kasuklam-suklam ang ginawa ni Jam. Binigyan na raw ni Pete ng pagkakataong magbago si Jam pero patuloy pa rin ito sa “paglalaro ng apoy’’. Sinusunog ang sarili at walang makitang palatandaan ng pagbabago.

Binalikan ni Marie ang ikinuwento ni Jose nang magpahatid ito sa bahay. Pilit daw siyang pinababa at pinapasok sa bahay kahit na sinabing mayroon siyang mahalagang appointment. Talaga raw pilit siyang niyaya sa loob ng bahay.

At ang pinagtataka ni Jose, nagpalit ng damit si Jam at sobrang nipis ang isinuot. Sa sobrang nipis ay bakat na bakat ang mase­selang bahagi ng katawan. Kung matinong babae si Jam, dapat ba siyang umakto ng ganoon. Kung talagang kaibigan ang tu­ring niya kay Jose, magpapakita ba siya ng “kaluluwa” niya? Talagang may balak si Jam kay Jose. Gusto niyang makarelasyon si Jose.

Muling napabuntunghi­ninga si Marie. Tumayo muli at naglakad-lakad sa salas.

Nasaan na kaya sina Jam at Jose? Tanong ni Marie sa sarili.

Huwag naman sanang mangyari ang kanyang na­­­­imadyin kanina na pi­nag­­hahalikan ni Jam si Jose habang nakaupo sa sopa. Manipis na manipis ang suot ni Jam, batay sa kanyang malikot na ima­hinas­yon.

Ang tanging pinanghahawakan ngayon ni Marie ay ang mga binitiwang pa­ngako ni Jose. Magiging matapat daw siya. Hindi siya makakalimot.

Napahinga muli nang malalim si Marie. Sana nga ay ganun katapat si Jose.

Maya-maya nag-ring ang cell phone ni Marie.

Mabilis niyang dinampot.

(Itutuloy)

Show comments