WALA nang nagawa si Jose nang magyaya si Jam. Hindi na siya maaaring magsinungaling.
“Aalis na kami Marie,” sabi ni Jam.
Napatango na lang si Marie. Si Jose ay nakatingin kay Marie. Hanggang magkatinginan sila. Sa tinginang iyon nagkaroon sila ng unawaan at pagkakaintindihan.
“Hoy Marie, aalis na kami.’’
“Oo! Sige ingat kayo.’’
“Iingatan ko itong si Jose dahil ito ang nagbigay sa akin ng trabaho at bagong pag-asa, ha-ha-ha! Di ba Jose?’’
Napatango lang si Jose. Sana’y hindi na lang niya nagawang alibi na uuwi siya nang maaga. Dahil dun, nagkaroon ng pagkakataon si Jam na sumabay sa kanya. O kaya, bigla na lang siyang umalis kanina.
Umalis na sila. Hindi niya alam kung saan magpapababa si Jam. Baka magpapahatid sa bahay nito. At pipilitin uli siyang paakyatin sa bahay nito.
Nang makaalis sina Jam at Jose, malalim ang iniisip ni Marie. Gumagana ang kanyang imahinasyon sa maaaring mangyari kina Jam at Jose. Baka magpahatid muli sa bahay si Jam at piliting pumasok sa bahay at… Napahinga nang malalim si Marie.
Kutob ni Marie, gagawin ni Jam ang lahat para maakit si Jose. Tutuksuhin ito hanggang ganap na maagaw sa kanya.
Hindi mapakali si Marie.
(Itutuloy)