“SA palagay mo Jose, nasisiyahan si Jam sa kompanya n’yo?” tanong ni Marie. Tapos na silang kumain at naghihintay na lamang sa pagdating ng bill.
“Isang beses ko pa lang siya nakikita mula nang mag-umpisa. Pero sa palagay ko naman, masaya siya.’’
“Malayo ba ang department niya sa inyo?’’
“Oo. Nasa lumang building kasi sila. Yung department ko e mas unang madadaanan.’’
“So puwedeng dumaan sa department n’yo si Jam at saka pa lamang sa kanila?”
“Oo. Mas maaga nga lang siyang pumapasok. Ako mga dakong 9:00 o 10:00 a.m.’’
“Hindi ko pa kasi nakukumusta ang bruhang ‘yun. Sabi minsan, siya raw naman ang maglilibre, he-he-he!”
“Ganun ba?’’
“Kaya palagay ko, masaya siya sa work niya.’’
“Mabuti naman. Happy ako sa nangyari sa kaibigan mo.’’
“Salamat uli, Jose. Kailangan pala ay magkakilala tayo para magkaroon naman ng kapanatagan si Jam.’’
Napangiti na lamang si Jose. At saka pinaalala ang planong pagdi-dinner sa hinaharap.
“Basta yung usapan natin ha? Seafood naman ang uuupakan natin.’’
“Sige mapilit ka e.’’
NAGKITA sina Marie at Jam isang araw. Sa isang pizza house sila nagkasundong magkita.
Gulat na gulat si Marie nang makita ang kaibigan. Tingin niya bumata at gumanda ito. Malayung-malayo sa itsura noong wala pa itong trabaho.
“Ang ganda mo Jam!”
“Kahit di mo ako purihin, ako ang taya ngayon.’’
Nagkatawanan sila.
(Itutuloy)