SA isang restaurant na nasa loob ng mall kumain sina Marie. Unang pagkakataon na nakakain sila sa labas ni Pau na may kasama. Dati silang mag-ina lamang ang kumakain pero ngayon apat na sila. At pakiramdam ni Marie ay masayang-masaya siya. Basta kakaibang kasiyahan ang hatid sa kanya nang pagsasama-sama nila ni Jose. Maski sina Pau at Iya ay masayang-masaya rin. Parang isang pamilya sila na walang pagsidlan sa katuwaan.
Walang katapusan ang pasasalamat ni Marie kay Jose matapos ang masagana at masarap na tanghalian.
‘‘Maraming salamat Jose. Nabusog mo kami. Salamat sa uulitin, he-he !’’
“Talagang mauulit ito Marie. Susubok na tayo sa ibang restaurant --- seafood naman,’’ sabi ni Jose habang nakatitig kay Marie. Hindi naman makatingin nang deretso si Marie. Para kasing napapaso siya sa titig ni Jose.
‘‘Kakahiya naman. Baka magsawa ka.’’
‘‘Hindi naman. Baka nga kayo ni Pau ang magsawa, he-he!’’
“Para parehas, ako naman ang taya sa sunod. Tutal malapit nang birthday ko.’’
‘‘Talaga? Kailan?’’
“Next month.’’
“O di sige. Pero bago dumating ang b-day mo, kain uli tayo --- seafood naman – meron akong alam na masarap magluto.’’
“Sige bahala ka.’’
‘‘Gusto mo, isama natin si Jam?’’
Saglit na nag-isip si Marie.
‘‘Sige. Ikaw ang bahala.’’
“Baka kasi magtampo kapag hindi natin inimbita. Nung birthday niya inimbita ako.’’
Nag-isip uli si Marie. Naaalala niya nang malasing si Jam at pinagtripan si Jose. Sana naman, huwag nang maulit iyon. Sana ay nagkaroon na ng leksiyon si Jam.
(Itutuloy)