Black Widow (95)

“ANG bilis naman, Marie,” sabi ni Jam na parang hindi makapaniwala na mag-aaplay siya ng trabaho sa kompanya nina Jose at sure nang makakapasok doon.

“Ayaw mo nun, matatapos na ang pagkabakante mo. Ma­lilibang ka na.’’

“Ang lakas mo talaga kay Jose. Bilib na ako sa’yo, Marie.’’

“Ipinaliwanag ko kasi kay Jose na balak mong mag-abroad --- sa Middle East — e delikado ang kalaga­yan ng mga Pinay sa ilang bansa rin. Kung dito ka magwo-work, mas panatag dahil nasa sariling bansa.’’

“Salamat Marie.’’

“Kaya kapag naka-in ka na sa company, ipakita mo ang husay.’’

“Oo naman, Marie. Nun ngang magkasama tayo sa trabaho di ba may award pa ako --- tayong dalawa di ba. Best employee ako nun.’’

“Oo, natatandaan ko. Ganundin ang gawin mo para naman masiyahan si Jose.’’

“Naku kapag nakapasok na ako at nakasuweldo, iti-treat ko kayong da­lawa. Kung hindi dahil sa inyo, baka nagmukmok na ako.’’

“Sige, bukas na bukas, aplay ka na agad ha.’’

“Oo.’’

MAKALIPAS ang isang linggo, nagkita uli sina Marie at Jose sa waiting area ng school ng mga anak nilang sina Pau at Iya.

Maganda ang balita ni Jose.

“Nagsimula na kahapon si Jam. Tuwang-tuwa nang magkita kami sa canteen.’’

“Maraming salamat, Jose. Malaking tulong ang nagawa mo sa ka­ibigan ko.’’

“Maganda ang department na napuntahan niya. Palagay ko, type na type niya ang trabaho.’’

“Kung hindi sa’yo baka nagmumukmok pa siya hanggang ngayon. Malaki ang utang na loob sa’yo ni Jam.’’

“Oks lang yun.”

“Ako kailan mo pag-aaplayin sa inyo?’’

“Bawal nga ang maganda sa amin.’’

“Lagi mo akong binibiro Jose. Hindi naman ako maganda­.’’

“Maganda ka sa tingin ko, Marie.’’

(Itutuloy)

Show comments