“UMIINOM ka, Jam?’’ Tanong ni Marie sa kaibigan. Hawak ni Jam ang bote ng brandy.
“Konti lang.’’
“Baka tayo malasing.’’
‘‘Hoy Bruha hindi ka pa umiinom e lasing na agad ang binubuka ng bibig mo. Di ba Jose?’’
Napatango naman si Jose.
‘‘Buksan mo nga ito Jose at nang makainom na tayo. Para maging masaya naman ang birthday ko.’’
Inabot ni Jose ang alak at binuksan.
Naghanda ng baso at yelo si Jam.
“Hoy Jam hindi ako marunong uminom n’yan,’’ sabi ni Marie.
“Ako rin hindi marunong uminom, gaga.’’
“Baka tayo malasing,’’ sabi pa ni Marie.
‘‘Teka nga at matagayan ka para matigil na ang katsang mo. Jose tagayan mo nga itong kaibigan mo.’’
‘‘Hoy huwag! Ayoko, Jose.’’
‘‘Tagayan mo Jose, sige na.’’
Naglagay ng yelo si Jose sa baso at sinalinan ng alak. Iniabot iyon kay Marie. Tinanggap ni Marie.
‘‘Hindi ako umiinom nito, Jam.’’
‘‘Sige na, kaunti lang ‘yan.’’
‘‘Sabay tayo! Salinan mo si Jam, Jose.’’
Dinampot ni Jose ang isang baso at nilagyan ng yelo saka sinalinan ng alak. Iniabot kay Jam.
“O sige sabay tayo,’’ sabi ni Jam.
‘‘Hindi ko kaya Jam.’’
“Sige na. Cheers!’’
Tumungga sila. Sabay. Unang nagbaba si Marie. Hindi niya kaya ang lasa.
‘‘Ang pait!’’
Pero si Jam ay straight na ininom ang alak.
‘‘Hindi naman mapait. Tingnan mo naubos ko,’’ sabi nitong nakangiti na parang walang anuman ang ininom na alak.
‘‘Hindi ko kaya, Jam. Bumabalik. Masusuka ako.’’
Nagtawa lamang si Jam.
‘‘E di kaming dalawa na lamang ni Jose ang iinom. Ano Jose? Huwag mo namang sasabihin na hindi ka rin umiinom.’’
“Umiinom ako pero katamtaman.’’
‘‘Gaano ba karami ang katamtaman?’’
“Mga dalawa o tatlong shots.’’
“Ano? Ganun lang kaya mo?’’
‘‘Tama lang sa akin yun.’’
‘‘Sige nga inom na tayo. Ayaw nitong si Marie eh.’’
‘‘Ayoko talaga. Hindi ko kaya,’’ sabi ni Marie.
‘‘Bigyan mo ako Jose at magsalin ka na rin. Sabay tayo.’’
Nagsalin si Jose ng alak para kay Jam, Nagsalin din para sa kanya.
‘‘Cheers!’’ sabi ni Jam.
‘‘Cheers!’’
Sabay silang tumungga. Straight uli ang pag-inom ni Jam.
Pagkatapos niyon ay nagsunud-sunod pa ang pagtungga ni Jam. Naging maingay na rin ito. Laging si Jose ang gustong kausapin.
Hanggang malasing na ito.
Nabahala na si Marie.
“Jam tama na. Lasing ka na.’’
(Itutuloy)