Black Widow (82)
NANG magkita sina Marie at Jose sa waiting area ng school ni Pau, naging topic nila si Jam.
“Kumusta na nga pala ang BFF mong si Jam?’’
“Gaya pa rin ng dati, problemado sa kanyang mga anak na gustong makita.’’
“Hindi ba pumayag ang dating asawa?’’
“Hindi.’’
“Bakit daw?’’
Hindi sana sasabihin ni Marie ang mga sinabi ng asawa ni Jam pero wala naman sigurong masama. Isa pa, mas maganda rin namang malaman ang opinyon ni Jose ukol sa mag-asawa.
“Ayaw ni Pete na ipakita ang mga anak kay Jam dahil mabigat daw ang kasalanan nito. Ito raw ang dahilan kaya nasira ang kanilang pamilya.’’
“Anong mabigat na kasalanan?’’
“Si Jam daw ang unang nanlalaki o nagkaroon ng kalaguyo.’’
“Totoo ba ‘yun?’’
“Hindi ako naniniwala. Palagay ko, sinabi lang ‘yun para madepensahan ang sarili. Kilala ko si Jam. Matagal na kaming magkaibigan.’’
“Parang naghuhugas ng kamay ganun ba?’’
“Parang ganun. Ibinibintang ang lahat kay Jam para nga naman hindi siya ang lumabas na masama.’’
Napailing-iling si Jose.
“Mayroon palang ganoong lalaki na para malibre sa ginawa ay binabaliktad ang pangyayari. Tingin ko pa naman sa asawa ni Jam ay hindi gagawa ng palso pero sa mga sinabi niya sa kaibigan ko, nagbago ang pagtingin ko. Lalong naging kawawa si Jam. Wala na ngang kumakampi ay eto at dinurog pa niya.’’
“Anong sabi ni Jam?”
“Lalong nalungkot. Kasi nga ang hiling niya ay makita lang kahit saglit ang mga anak. Umiyak na naman nang umiyak nang magkausap kami.’’
“Bakit hindi na niya idaan sa legal na usapan. Kumunsulta kaya siya sa lawyer?”
“’Yun nga ang payo ko pero huwag na raw. Natatakot daw siyang makaladkad ang pamilya niya.’’
“Kung ganun ang katwiran niya, walang mangyayari.’’
“Oo nga. Sinabi ko sa kanya ‘yun. Huwag na raw.’’
“Baka naman magbago pa ang isip niya. Pilitin mo na kumunsulta sa abogado.’’
“Try ko uli. Naaawa ako sa kanya. Alam ko ang nadarama niya dahil ina rin ako. Kapag umiiyak siya, naiiyak din ako.’’
(Itutuloy)
- Latest