Black Widow (81)

“ANG asawa mo ang may kargo sa inyong mga anak kaya siya ang dapat sisihin kapag inapi ang mga ito ng kabit niya,’’ sabi ni Marie kay Jam nang mahalatang nagwo-worry na naman ang kaibigan.

“Kung sana ay maku-ha ko ang mga bata at ilalayo ko. ‘’Yung hindi makikita ni Pete.’’

“Hindi mo magagawa iyon Jam kasi nga la-ging nakabantay si Pete. Pakiramdam ko, hindi talaga ipakikita sa’yo. Naisip ko, bakit hindi ka magdemanda?’’

Napamulagat si Jam.

‘‘Huwag na Marie,’’ sabi nito at huminga   nang malalim.

‘‘Bakit?’’

‘‘Basta!’’

‘‘Malay mo, ikaw pala ang dapat mangalaga sa mga anak mo at hindi ang asawa mong taksil. Baka panigan ka ng korte dahil ikaw ang ina. Di ba ang ina ang dapat kasama ng mga bata.’’

Walang imik si Jam. Nakatingin sa kawalan.

‘‘Kasi’y masyado na ang nalasap mo sa iyong asawa. Inapi ka na e inalisan ka pa ng karapatan sa inyong mga anak. Sobra na ang ginagawa ng asawa mo, Jam.’’

Nanatiling tahimik si Jam.

‘‘Gusto mo magtanong tayo sa abogado? Para malaman natin ang karapatan mo. Hindi habang panahon ay mananahimik ka.’’

Umiling si Jam.

‘‘Bakit ayaw mo?’’

“Huwag na Marie. Ayaw ko nang kumalat pa ang lahat nang ito.’’

‘‘Pero gusto mong makita ang iyong mga anak?’’

“Oo. Kahit na masilip ko lang.’’

‘‘E ang problema, hindi nga ipinakikita sa’yo ng magaling mong asawa. Ikaw na ang niloko at inapi ikaw pa ang pinagbawalan. Sobra naman yata ‘yun.’’

Napahinga muli si Jam.

“Sige kung ayaw mo e hindi kita piplitin. Ang sa akin lang ay para maipaglaban ang karapatan mo.’’

‘‘Huwag na Marie. Salamat sa concern mo.’’

Tinapik-tapik ni Marie sa balikat ang kaibigan.

Maya-maya nagpaalam na si Marie.

‘‘Aalis na ako at baka hinahanap na ako ni Pau. Sabi ko sandali lang ako rito.’’

‘‘Mabuti ka pa at tahimik ang buhay. Naiinggit ako sa’yo Marie.’’

‘‘Medyo nakakabawi na ako sa pagkawala ng mahal sa buhay.’’

“Dalawin mo ako nang madalas ha?’’

“Oo naman. Hayaan mo at tuwing Linggo puntahan kita rito.’’

“Salamat Marie.’’

(Itutuloy)

Show comments