“SINUNDAN ko sila. Hapon noon. Nagkita sila sa isang mall sa Makati Avenue. Isang taksi ang inarkila ko. Sabi ko sa taxi driver, sundan lang niya ang kulay silver na kotse pero huwag masyadong didikit at baka makahalata ang drayber at ang sakay na babae. Tumango ang driver na mukhang natutunugan na ang gusto kong mangyari at kung bakit gusto kong sundan ang mga nasa kotse.
“Sabi ko sa drayber ako na ang bahala sa kanya. Kahit huwag na siyang magmetro, babayaran ko siya kahit magkano. Tumango ang drayber. Sinundan namin ang kotse mula Makati Avenue. Kumanan ng Pasay Road deretso at kumaliwa sa Southsuper highway saka kumanan sa EDSA patungong Pasay-Taft. Kumaliwa at nagdere-deretso sa kulumpon ng mga motel sa lugar na iyon.
“Hindi ako humihinga habang nakatutok sa sinusundan naming kotse. Hanggang sa sumapit sa destinasyong motel na ang pangalan sa entrance ay kumukutitap sa ilaw. Pumasok doon ang kotse. Napalingon sa akin ang drayber. Tinanong ako kung susundan pa namin sa loob. Hindi ako makasagot. Para bang nawala ako sa sarili. Muli akong tinanong ng drayber kung ipapasok din niya ang taxi. Umiling ako. Sinabihan kong bumalik na kami.
“Pinaatras ng drayber ang taxi at saka kinabig pabalik sa pinanggalingan namin. Sabi ko sa drayber, dalhin na lang niya ako sa bahay. Sinabi ko ang address. Sumibad ang taxi. Habang tumatakbo, pakiramdam ko’y walang laman ang ulo ko. At saka nag-flash sa alaala ang tagpong pumapasok sa entrance ng motel ang kotseng sinasakyan ni Jam at kanyang lalaki.
“Hanggang sa hindi ko namalayan na nasa harap na pala kami ng aking bahay. Binayaran ko ang taxi drayber. Malaki. Napatingin sa akin ang drayber na parang nakikisimpatya sa nangyari.
“Hinintay ko ang pagdating ni Jam. Maghahatingggabi na iyon. Tulog na ang mga anak namin…” (Itutuloy)