HINDI na niya maaaring ipagpaliban ang balak na kausapin ang asawa ni Jam. Ngayong problemado na naman ang kaibigan, pati siya ay apektado. Gagawin na niya ang role niya. Kailangang matapos na ang paghihirap ng kaibigan. Bahala na kung ano ang maging reaksiyon ng asawa ni Jam sa kanyang ipakikiusap dito. Kung pagsalitaan siya nang masakit, okey lang. Tatanggapin niya. Basta ang mahalaga, masabi niya ang pakay dito. Wala naman siyang masamang tangka kundi ang mamagitan at para na rin maiwasan ang anumang naiisip ni Jam. Pakiramdam niya, nawawalan na ng pag-asa sa buhay si Jam. At minsan pa nga ay nasabing parang gusto nang magpakamatay. Ayaw niyang mangyari iyon sa kaibigan.
Sasabihin niya iyon sa asawa ni Jam para maantig ang damdamin nito. Bakasakali iyon ang maging dahilan para payagan ang kahilingan na makita ni Jam ang dalawang anak.
Pero bago niya ginawa ang balak, tinawagan muna niya si Jam at ipinaalam iyon. Mas magandang nalalaman ni Jam ang mga gagawin niya para hindi naman siya ang masisi kung sakali.
“Kakausapin ko na ang mister mo Jam. Bukas ba-lak ko na siyang puntahan,’’ sabi niya sa kaibigan.
“Salamat Marie. Gusto ko nang makita ang mga anak ko,’’ sabi at umiyak uli. “Parang awa mo na, kumbinshin mo siya.’’
“Oo. Huwag kang umiyak. Ibigay mo sa akin ang address niya at pupuntahan ko.’’
Ibinigay ni Jam.
“Kung ano ang mapag-usapan namin, sasabihin ko agad sa’yo.’’
“Salamat Marie.’’
KINABUKASAN, tinu-ngo ni Marie ang bahay ng asawa ni Jam.
Maayos siyang pinatuloy nito. Sinabi niya ang balak. Wala nang paliguy-ligoy pa. (Itutuloy)