Black Widow (63)

“HINDI hinahanap ni Iya ang kanyang mommy?’’ Tanong ni Marie.

“Noong bago pa lang kamamatay ng mommy niya – ni Katrina, nagigising sa gabi si Iya at umiiyak. Tinatawag ang kanyang mommy. Awang­- awa ako kay Iya. Ang gagawin ko ay kakargahin ko at saka sasabihin na ang kanyang mommy ay nasa langit na at kasama ni Mama Mary at Jesus. Pinakiusapan kong huwag nang umiyak dahil nahihirapan din si Mommy kapag umiiyak siya. Sabi ko nakikita ni Mommy ang kanyang pag-iyak. Ka­pag ganun ay titigil na siya sa pag-iyak at saka matutulog na. Gusto niya ay palagi kaming magkatabi sa pagtulog. Pero nitong nagkakaisip na, e nagsabi sa akin na gusto raw niyang magkaroon nang sariling kuwarto.’’

“Mahirap pala kapag nawala ang ina,” sabi ni Marie.

“Oo. Mahirap tala­ga. E ang ama kapag nawala, mahirap din?’’

“Mahirap din. Pero ang napansin ko, hindi gaanong hinahanap ni Pau ang kanyang papa nang mamatay ito. Hindi katulad ng anak mong si Iya na hinahanap ang kanyang mama.’’

“Talagang ang mga batang babae ay malapit sa ina. Masyado nilang nararamdaman ang sakit nang pagkawala ng ina.’’

“Oo nga.’’

“Ikaw, Marie may balak ka pang mag-asawa muli?”

Pero hindi na nasagot ni Marie ang ta­nong ni Jose dahil nag-ring ang phone niya.

Si Jam ang tumata­wag. Nakatingin si Jose.

“Hello Jam? Ku­musta?’’

Nag-usap ang da­lawa.

“Ba’t ka napata­wag?’’

Sumagot si Jam. Biglang nalungkot ang mukha ni Marie.

“Sige. Mag-ingat ka. Tawagan mo uli ako.’’

Nagsalita si Jam. At pagkatapos ay natapos na ang usapan nila.

Malungkot si Marie.

Nang bigla nitong maalala ang tinatanong kanina ni Jose.

“Ano ngang tinatanong mo kanina.”

“Kung may balak ka pang mag-asawa.’’

Nagtawa si Marie.

“Ba’t ka nagtawa?’’

“Kasi’y parang hindi na bagay. At saka naka-tatlo na ako.’’

“O e ano naman?’’

Napatingin nang makahulugan si Marie kay Jose.

(Itutuloy)

Show comments