“NANG mamatay ang misis ko, pilay na pilay ako,’’ sabi ni Jose. “Hindi ko alam kung paano ko palalakihin ang aming anak na si Iya? Hindi ko alam kung paano magsisimula.’’
Nakatingin lamang at walang masabi si Marie kay Jose.
Nagpatuloy si Jose sa pagkukuwento.
“Hindi ko akalain na maaga akong iiwan ni Katrina. Hindi ako nakahanda kaya naman litung-lito ako. Totoo talaga na ang kamatayan ay parang magnanakaw na hindi mo alam kung paano sasalakay. Magugulat ka na lamang na narito na.’’
“Anong ikinamatay ng misis mo --- ni Katrina?’’
“Breast cancer. Napakabilis ng pangyayari. Stage 4 agad.’’
“Ganun daw talaga yun. Malalaman mo na lamang na malala na. Pero siyempre may sintomas na.’’
“Nakakapagtaka nga na hindi gaanong nakita ang sintomas at nang ipa-checkup saka lang nalaman na malala na.’’
“Talaga? Meron palang ganun. Pero at least may nakitang palatandaan hindi katulad ng mister kong pangatlo na unang atake lang ay bumigay na.’’
“Pero halos wala na nga ring nagawa sa misis ko, baka wala pang isang buwan ay namayapa na.’’
Natahimik si Marie.
Nagpakiramdaman sila.
Nakatingin sa di-kalayuan si Jose.
Si Marie ay nakatungo.
Maya-maya, may narinig silang nag-uusap na papalapit sa kanila. Nang tingnan nila, si Iya at Pau.
“Eto na pala ang mga susunduin natin. Bukas na lang uli tayo magkuwentuhan,” sabi ni Jose.
“Sige, marami rin akong ikukuwento sa’yo.’’
(Itutuloy)