“PAANO mo nalaman na Jose ang pangalan ng daddy ni Iya?’’ Tanong ni Marie sa anak na si Pau.
“Tinanong ko.’’
“Baka naman sinabi mong ako ang nagpapatanong.’’
“Hindi. Itinanong nga rin ni Iya kung ano ang name mo. Sinabi ko.’’
“Mabait si Iya ano?’’
“Oo Mama. Akala ko nga nung una, suplada siya, hindi pala.’’
“Matagal kayong nagkuwentuhan?’’
“Oo. Buong recess kami ang magkausap sa canteen.’’
“Anu-anong napagkuwentuhan n’yo?’’
“Tungkol sa lesson namin. Meron daw kasi siyang hindi maintindihan sa sinasabi ng kanilang teacher. Tinanong ako kung nararanasan ko rin iyon. Sabi ko’y oo. Siya raw ay paulit-ulit na nagtatanong sa teacher kapag hindi naiintindihan ang nile-lecture.’’
“Matalino si Iya ano, Pau?’’
“Opo Mama. Sabi niya, doctor ang kukunin niya.’’
“Bagay sa kanya iyon. E ikaw, ano bang kukunin mo?’’
“Baka mag-writer ako, Mama.’’
“Sige suportahan kita!” Sabi ni Marie at nakipag-high five sa anak.
Nagtawanan sila.
“Ano pang napagkuwentuhan n’yo ni Iya?’’
“Wala na Mama.’’
Akala ni Marie, nagkuwento si Iya ng tungkol sa kanilang mag-ama. Sana, sa sunod na pagkukuwentuhan nila, may ikuwento si Iya tungkol doon.
“Huwag mong kalimutan na sabihin kay Iya na pinasasabi kong thank you, ha?’’
“Opo.’’
Ngayon ay alam na niya ang pangalan ng daddy ni Iya – si Jose.
ISANG umaga, biglang tumawag si Jam kay Marie.
“Nasa ospital ako at naka-confine,’’ sabi ni Jam.
“Bakit? Anong nangyari?’’
“Nakunan ako. Puwede mo akong puntahan dito.’’
“Oo. Sige. Anong ospital?’’
Sinabi ni Jam.
Agad nagtungo roon si Marie.
(Itutuloy)