“MAMA! Tara na!’’ Sabi ni Pau.
Nagulat si Marie sa pagtapik at pagtawag ng anak. Hinahabol kasi niya ng tingin ang lalaki at ang anak nitong babae.
“Ha? A oo tayo na!’’
Lumakad sila. Nakahawak sa kamay ni Marie ang anak. Pero kahit nang naglalakad na, nakatingin pa rin si Marie sa mag-ama na ilang metro ang layo sa kanila. Hindi pa rin siya makapaniwala na nagkausap na sila ng lalaki. Mabait naman pala. Hinayaan niyang ito ang magsalita nang magsalita. Kung hindi siguro dumating ang anak ay baka marami pa itong nasabi. Sayang!
‘‘Tinitingnan mo sina Iya at papa niya, Mama?’’ Tanong ni Pau na ikinagulat na naman ni Marie.
‘‘Ha? Hindi! Hindi ko sila tinitingnan,’’ sabi niya at ibinaling ang tingin sa ibang direksiyon.
“Si Iya raw ang Top 1 ng Grade 4 class.’’
“Ah ganun ba? Matalino kung ganun.’’
“Matalino naman talaga siya Mama.’’
“Halos magkasing-edad siguro kayo ano?’’
‘‘Opo.’’
“Mabait ba siya?’’
“Hindi ko alam. Kasi nga e ibang section. Pero may mga kaibigan siya sa klase namin kaya nagpupunta sa aming room.’’
“Anong name niya?’’
“Iya.’’
“Anong apelyido?’’
“Hindi ko alam. Ba’t mo itinatanong?’’
“Wala lang.’’
“Bukas, sunduin mo uli ako Mama.’’
‘‘Bakit?’’
‘‘Mayroon akong dalang libro. Mabigat.’’
“Sure, sweetheart. Baka mag-vacation leave ako bukas at sunod na araw.’’
“Bakit ka magli-leave?’’
‘‘Para lagi kitang masundo.’’
“Sige Mama lagi mo akong sunduin.’’
“Bukas paglabas mo punta tayong SM. Ibibili kita ng sapatos. Tapos kumain tayo.’’
Tuwang-tuwa ni Pau.
Pero mas natutuwa si Marie dahil tiyak na makikita muli niya ang ama ni Iya. Susundo rin ito sa anak.
(Itutuloy)