APEKTADO rin si Marie ng problema ni Jam sa asawa nitong nahumaling sa ibang babae. Hanggang payo lang ang maitutulong niya sa kaibigan na tila wala rin namang epekto dahil laging nakatulala kapag nakikita niya sa opisina. Nakakaawa pala ang babaing niloloko ng asawa. Mula nang matuklasan ni Jam ang pambababae ng kanyang mister, malaki na ang inihulog ng katawan nito. Siguro’y hindi makakain o makatulog dahil sa pag-iisip sa nangyari.
Naikumpara ni Marie ang kapalaran niya sa nangyari kay Jam. Kung tutuusin, mas masuwerte siya kaysa sa kaibigan. Tatlo na ang naging asawa niya at pawang namatay pero naging tapat sa kanya ang mga ito. Wala siyang nabalitaan o natuklasan na ipinagpalit siya ng mga naging asawa sa ibang babae. Wala siyang naging problema sa unang asawa na si Franco. Ganundin sa ikalawang asawa na si Jonathan at lalong walang problema sa ikatlong asawa na si Mark. Masuwerte nga siya kaysa kay Jam sapagkat buhay nga ang asawa nito pero niloloko naman siya. Ang masakit lang para sa kanya ay kung bakit siya pa ang naging mabiyudahin at tinutuksong “black widow”.
Ilang araw pa ang lumipas at napansin ni Marie na hindi na pumapasok si Jam. Nag-alala siya. Bakit wala ang kaibigan niya? Ano ang nangyari kay Jam? (Itutuloy)