Black Widow (13)

“BAKA sa halip na ang ika­apat na mapapangasawa mo ang matigbak e ikaw na pala ang kasunod,” sabi ni Jam kay Marie. Seryoso si Jam sa pagsasalita.

“Nakakatakot naman ang sinasabi mo.”

“Posible ang sinasabi ko, Marie. Ngayong panahon, kung anu-anong sakit ang lumalabas. ‘’Yung ina­akala mong maliit na bukol ay nakamamatay pala. Walang makapagsasabi di ba?’’

“Natakot tuloy ako. Lalong nadagdagan ang isipin ko.’’

“Kailangang ipa-check-up mo yang nunal mo sa pusod at baka cancerous yan. Doktor lamang ang ma­kapagsasabi kung malignant ‘yan.’’

“May alam kang doctor?’’

“Oo, samahan kitang mag­pa-checkup. Kailan mo gusto?’’

“Bukas puwede ka?’’

“Okey, sige.’’

“Ano yung doctor, babae o lalaki?’’

“Babae.’’

“Oncologist ba ang tawag sa doctor sa cancer.’’

“Yup.’’

“Di ba nakakahiya na nu­nal sa pusod ang ipapa-check-up ko?’’

“Anong nakakahiya roon?”

“Kasi baka kalikutin ang pusod ko.’’

“E ano, babae naman ang kakalikot. Masama kung la­laki at baka yang nasa ibaba ng pusod ang makalikot.’’

Napatawa si Marie.

“Puro ka kalokohan.’’

“Mabuti na ma-check-up ang nunal mo sa pusod para hindi aandap-andap ang loob mo. Mas maagang nalaman, mas mabuti.’’

“Kakatawa ang nangya­yari sa akin ano? Naghaha­nap ako ng mga posibleng palatandaan kung bakit ako mabiyudahin e itong nunal ang nakita ko at ngayon ay eto ang nagbibigay problema sa akin. Kakatwa ano?’’

“E malay mo nga ‘yan ang paraan ng Diyos para matuklasan mo ang nunal at nang maagapan mo agad kung cancer ba yan.’’

“Sana naman ay hindi. Diyos ko ayaw ko pang ma­matay. At saka ayaw kong ma­matay dahil sa cancer. Paano ang anak ko kapag cancer pala ito.’’

“Para kang tanga, Marie. Hindi pa naman sure kung Big C nga yan e para kang mamamatay na bukas.’’

“Kinakabahan kasi ako.’’

“Huwag kang kabahan. Bukas, malalaman natin kung cancerous ang nunal mo.’’

“Sige, saan tayo magkita bukas?’’

“Daanan mo ako sa bahay, alas otso.’’

“Okey.’’

EKSAKTONG alas otso, dumating si Marie kina Jam. Ilang minuto pa at umalis na sila patungo sa ospital. Nagtaxi na sila patungo sa ospital para mabilis.

Wala gaanong pas­yente kaya madali silang naharap ng doctora. Kinakabahan si Marie nang pumasok sa kuwarto ng doktora. Paano kung cancer ang nunal niya?

(Itutuloy)

Show comments