Kastilaloy (193)

(Sequel ng Sinsilyo)

BALIK na sa normal ang buhay nina Garet at Mama Julia. Magkasama na muli sila sa malaking bahay. Dinadalaw na lamang ni Garet ang condo unit niya sa Katipunan. Hindi niya maaaring pa­bayaang nag-iisa ang kanyang mama sa malaking bahay. Isa pa, gusto niya ay laging nakikita ang kanyang ina.

Isang araw, ipinakita si Garet sa kanyang mama ang mga alahas ni Kastilaloy. Iyon ang unang pagkakataon mula nang magkasama sila na nakita ni Mama Julia ang mga alahas ni Kastilaloy.

Walang gaanong re­aksiyon kay Mama Julia ang maraming alahas na nagkakahalaga ng milyong piso. Nawala na ang paghahangad niya sa kayamanan. Parang pagkain na nawalan ng lasa para sa kanya.

‘‘Malaking halaga pala ang mga alahas na ito ‘Ma. Naipa-appraised na namin ni Gaude sa kilalang jewelry shop. Aa­butin ng P10 hanggang 15-milyon ang value o higit pa. Bihira na raw makakita ng mga alahas na ganito. Panahon pa ng mga Kastila.’’

Napatangu-tango lamang si Mama Julia.

‘‘May ganito ba karami ang nalustay ni Geof sa casino at iba pang bisyo?’’

“Marami pa kaysa riyan at naubos lahat iyon sa bisyo. Nawalang lahat sa akin. Mabuti nga at natira pa itong kuwintas na suot ko.’’

‘‘Kung tutuusin ay kay Tita Carmina ang mga alahas na ito dahil pag-aari ni Kastilalaoy di ba?’’

‘‘Oo. Bakit nga pala nasa iyo ang mga alahas na ito?’’

“Tinanggihan niya. Sa akin na lang daw ang mga ito. Wala raw siyang interes sa mga ito. Mayroon naman daw siyang naipundar at sapat na iyon para sa kanya.’’

Napatango si Mama Julia na para bang humahanga kay Carmina sa pagtanggi nitong angkinin ang mga alahas ng ama o ni Kastilaloy.

“Sa akin na lang daw ito, ‘Ma,’’ sabi ni Garet at hinipu-hipo ang lalag­yan ng alahas. ‘‘Pero parang ayaw ko rin na mapasaakin ito. Aanhin ko naman ang napakaraming alahas na ito. Wala rin naman akong interes sa mga alahas. Baka maging mitsa pa ito ng buhay ko. Ano sa palagay mo, ‘Ma?’’

Nakatitig si Mama Julia kay Garet.

Isang pasya ang kanyang nabuo.

“I-donate natin sa mga nanganga­ilangan ang mapagbibilhan ng mga alahas na ito. Mara­ming matutulungan nito.’’

“’Yan din ang nasa isip ko ‘Ma. Unahin na­ting tulungan ang mga batang maysakit na walang pampaopera.’’

Napatango si Mama Julia. Tama ang kanilang naiisip na mag-ina. Ngayon lamang siya nakadama nang lubos na kaligayahan. Pagkaraan nang matagal na panahon, ngayon lang naging matiwasay ang kanyang kalooban.

(Itutuloy)

Show comments